ANG innovation ay isang palasak na salita sa kasalukuyang panahon. Marami tayong nababalitaan na mga kabataang may magagandang ideya kung paano mapabubuti ang iba’t ibang aspeto ng buhay. Marami rin ang may ideya kung paano gagamitin ang teknolohiya upang itaas ang kalidad ng pamumuhay.May mga nagtatagumpay at mabilis na sumisikat, ngunit mayroon ding dagling nabibigo.

Kadalasan, ang sanhi ng kabiguan ng mga baguhan, sa kabila ng malalaking ideya tungkol sa teknolohiya, ay ang kakulangan ng pag-unawa sa mga pangunahing kaalaman ukol sa negosyo. Sa madaling sabi, kulang sila sa tinatawag na entrepreneurial skills.

Ito ang dahilan ng pakikipagkasundo ko sa aking alma mater, ang University of the Philippines, upang itatag ang UP School of Technology Entrepreneurship sa loob ng bagong UP Alabang campus.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang technology entrepreneurship, na tinatawag ding “technopreneurship,” ay ang pagtatagpo ng dalawang puwersa na humubog sa ating daigdig. Ang teknolohiya at entrepreneurship ang naging pangunahing mga makina ng pandaigdig na ekonomiya.

Marami na tayong nabasa tungkol sa buhay nina Steve Jobs, Bill Gates at iba pang henyo sa teknolohiya na nagsaliksik sa mga bagong ideya gaya ng computer design, software o renewable power source. Nakilala rin natin ang mga bisyonaryo sa negosyo gaya nina John D. Rockefeller, Andrew Carnegie, Richard Branson, Ingvar Kamprad at marami pang iba na nagtayo ng mga imperyo ng negosyo mula sa wala.

Sa aking karanasan, masasabi kong wala nang mas naka-iigaya sa paglikha mula sa wala. Sa pagbabalik-tanaw, naiisip ko na maaaring may nag-isip na nasisiraan ako ng ulo nang magsimula ako ng negosyong gravel and sand gamit lamang ang dalawang lumang truck at pagsisikap.

Ang sumunod, gaya ng kasabihan, ay kasaysayan na. Ang damdamin ng pagkakaroon ng matagumpay na negosyo ay katulad din ng pag-imbento ng bagong teknolohiya. Pareho silang matatawag na “eureka moment.”

Ang pagsasama ng pangunahing property developer at pangunahing institusyon sa edukasyon ay lilikha ng... plataporma para sa kinabukasan, kung saan ang mga matatalinong “tehnopreneur” ay maaaring pagsanibin ang mga bagong teknolohiya at mga ideya sa negosyo, at maunawaan din ang business environment na makatutulong sa paglago ng teknolohiya upang lumikha pa ng magagandang negosyo.

Ang UP Alabang campus ang magiging tahanan ng UP School of Technology Entrepreneurship at ng UP Alabang Enterprise Center. Ang campus complex ay bahagi ng donasyon sa ilalim ng kasunduan na nilagdaan namin noong Hunyo 2016.

Tinanggap ng UP ang aking kontribusyon na limang ektarya sa loob ng ginagawang University Town ng communicity development ng Vista Land sa Daang Hari, at mga gusali at kagamitan na nagkakahalaga ng P300 milyon para sa nasabing campus.

Natutuwa akong ibahagi sa mga mambabasa na sinimulan na naming isakatuparan ang hangaring ito.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)