Dinukot muna bago umano pinatay ang dalawang lalaki sa Taguig City, nitong Lunes ng gabi.
Dead on the spot ang mga biktima na ang isa ay kinilalang si Jerry Bernas, nasa hustong gulang, ng Parañaque City habang kinikilala pa ang isa na nasa edad 25-30, sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., dakong 10:00 ng gabi pinagbabaril ang dalawang biktima sa bahagi ng C6 Road, Barangay Hagonoy, Taguig City.
Ayon kay Narian Caraga, kaibigan ni Bernas, bandang 7:00 ng gabi nitong Lunes nang dukutin ng mga suspek ang kanyang kaibigan sa Parañaque. Hindi umano kilala ni Bernas ang isa pang biktima.
Makalipas ang tatlong oras ay nabalitaan na lang umano ni Caraga na may pinatay na dalawang lalaki sa Taguig City at agad niyang pinuntahan hanggang sa malaman na isa nga sa mga biktima ang kanyang kaibigan.
Sa nakalap na impormasyon ng awtoridad sa mga testigo, ibinaba mula sa isang sasakyan na walang plaka ang dalawang biktima at pinatalikod bago pinagbabaril.
Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril. (Bella Gamotea)