cycling copy

PILI, CAMARINES SUR – Marubdob ang hangarin ng Philippine Navy-Standard Insurance, sa pangunguna ni racing captain Lloyd Lucien Reynante, na madomina – sa ikalawang sunod na season – ang LBC Ronda Pilipinas.

Sa nakalipas na limang stage ng 14-day cycling marathon, nakaamba ang Navymen sa katuparan ng kanilang adhikain.

Sa kasalukuyan, apat na miyembro ng koponan – red jersey leader Rudy Roque, Stage One winner Ronald Lomotos, Daniel Ven Carino at two stage winner at defending individual champion Jan Paul Morales – ang nakapuwesto sa Top 10.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Nangunguna si Roque tangan ang kabuuang tyempo na 18 oras, 12 minuto at 48 segundo, habang nakabuntot sina Lomotos, Carino at Morales na gahibla lamang ang layo sa 18:13:47, 18:14:43 at 18:15:51, ayon sa pagkakasunod.

“Target namin siyempre yung title, pero kung makuha rin yung hanggang top 5, bonus yun sa team,” pahayag ng 38-anyos na si Reynante.

“May tyansa pa yung iba naming riders na makasampa sa top 10,” aniya.

Kumpiyansa si Reynante na sinoman sa apat na Navyman na makalikom ng pinakamatibay na oras matapos ang Stage 12 Individual Time Trial sa Marso 2 sa Iloilo City ay sigurado na sa titulo.

“Napagusapan na namin ito at sinoman ang manguna after ITT buhos na ang pagbabantay namin,” sambit ni Reynante.

Tanging si Cris Joven ng Kinetix Lab-Army ang may pinakamalapit na banta sa hangarin ng Navy kung saan kapit ito sa No. 5 overall sa tyempong 18:15:51.

Nasa loob ng top 10 sina Go for Gold’s Elmer Navarro (18:17:57), RC Cola-NCR’s Leonel Dimaano (18:18:01), Go for Gold’s Ismael Grospe, Jr. (18:19:02), Army’s Lord Anthony del Rosario (18:19:44) at Go for Gold’s Jonel Carcueva (18:20:33).

Hindi naman alintana ng 30-anyos na si Joven ang posibilidad na makasingit.

“Okey naman yung pacing ko, kung hindi magkakaaberya, malaki ang tyansa na makasingit pa tayo,” pahayag ni Joven, Army private first class mula sa Iriga City, Camarines Sur.

Balik sa kalsada ang mga riders ngayon para sa pagtahak sa 46.6-km Pili-San Jose Stage Six Team Time Trial kung saan target ng Navy na mapanatili ang abantye sa team standings hawak ang kabuuang oaras na 72:48:47.

Nakabuntot ang Go For Gold (73:09:42), at Kinetix Lab-Army (73:21:41).

Tumataginting na P1 milyon ang premyo sa kampeon mula sa presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.