Dapat bigyang pansin ng Kongreso ang paggawa ng mga batas na makapagliligtas at mag-aangat sa buhay sa halip na pagtuunan ang pagbabalik ng parusang bitay, ayon kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan.
“Ilan sa mga batas na prayoridad ng Kongreso ay labag sa ilang karapatang pantao kagaya ng death penalty bill at ang pagpapababa sa minimum age of criminal responsiblity. Nanawagin tayo sa Kongreso na mas bigyan ng pokus ang mga batas na makakapagligtas ng mga buhay, kaysa sisira rito,” giit ni Pangilinan.
Inihain ni Pangilinan ang Senate Bill 1628 na naglalayong itaas ang minimum salary ng mga doktor ng gobyerno mula Salary Grade 16 (P28,417) sa Salary Grade 24 (P56,610).
Nagtaguyod din ng mga katulad na batas sina Senator Antion Trillanes IV, Risa Hontiveros, at Loren Legarda na dininig ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization, and Professional Regulation.
“Sampung porsyento lamang sa ating mga kababayan sa probinsya ang mayroong access sa mga medical professionals.
Umaasa kami na dahil sa batas na ito ay pipiliin ng ating mga doktor na magsilbi na lamang sa kanilang mga komunidad, kaysa magbaka-sakali sa ibang bansa,” ani Pangilinan.
Iginiit ni Pangilinan na ang pagsasaayos sa labor sector ay makakapigil sa kahirapan at mas epektibo sa pagsugpo ng krimen.
Inihain din ni Pangilinan ang Senate Bill 59 na naglalayong magbigay ng civil service eligibility sa mga casual at contractual government employees na naglingkod ng limang taon o mahigit pa. (Leonel M. Abasola)