ARAW ng mga Puso o Valentine’s Day ngayong ika-14 ng malamig na Pebrero. Sa mga nagmamahalan, umiibig at romantiko, mahalaga ang Pebrero 14. Sa kanilang paniwala at sa iba pang naniniwala sa kahalagahan ng pag-ibig, ang Araw ng mga Puso ay natatanging pagkakataon upang muling pagtibayin ang pagmamahal. Pagpapahayag ng damdamin sa naiibang paraan, Ang Araw ng mga Puso ay ipinagdiriwang din ng mga mag-asawa, magkaibigan at maging ng magkalaguyo. Isa nang pandaigdigang selebrasyon ang Araw ng mga Puso kahit na nabatikan na ito ng komersiyalismo, hindi nalilimot na ipagdiwang at pag-ukulan ng pagpapahalaga ng mga umiibig at nagmamahalan.
Bilang bahagi ng tradisyon, nakaugalian na ang pagpapadala ng mga rosas at tsokolate sa mga minamahal, nililigawan, sinusuyo, mga kaibigan at iba pang mahal sa buhay. Taun-taon tumataas lagi ang presyo ng mga rosas at bulaklak.
Nagiging doble ang halaga ng tatlong pulang rosas na nakabilanggo sa kahong plastic. May taling pulang laso at may palamuting maliliit na puso na kulay puti. Sa mga mayaman, sunod sila at kumakagat sa presyong idinidikta ng mga tuso at ganid na negosyante. Naniniwala naman ang mga umiibig na hindi bale mahal, basta sa minamahal ibibigay.
Sa mga walang gaanong pera, sapat na ang isang pulang rosas na nasa puting plastik. May kasamang ilang maliliit at puting bulaklak ng Aster. May bumibili naman at nagreregalo ng panty rose, twin heart na pin cushion, stuff toy ng naghahalikang kuneho, coffee mug, bracelet at iba pang panregalo na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.
Sa mga talagang walang perang pambili ng regalo, sapat na ang mga text message sa pamamagitan ng cell phone.
Makararating ang text message saan mang lupalop ng daigdig naroon ang kanilang mahal sa buhay.
Sa mga sweet lover at mga malalasing naman sa pag-ibig,... mainit at maalab ang pagmamahal, kakain sa labas at manonood ng sine. Pagkatapos, ang sanktuwaryo ay hotel o motel. Doon ipagdiriwang ang Araw ng mga Puso. Magdadaup-puson at ipadarama ang matamis at maalab na pag-ibig. Legal man ito o nakaw na pagmamahal. At makalipas ang siyam na buwan, ang pupuntahan at pipilahan ng babaeng lomobo ang tiyan ay lying inn, maternity clinic at ospital upang magsilang ng sanggol at madagdagan ang lumalaking populasyon ng iniibig nating Pilipinas.
Ang Araw ng mga Puso ay isang araw ng pag-ibig at pagmamahal. Maging anuman ang anyo at paraan at kahulugan ng pagdiriwang, ang mensahe at diwa nito ay PAG-IBIG. (Clemen Bautista)