Inihayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umaabot sa P108,450,000 ang halaga ng pinsala sa mga imprastruktura ng 6.7 magnitude na lindol na yumanig sa Surigao City, Surigao del Norte nitong Biyernes ng gabi.

Sa press briefing sa Office of Civil Defense (OCD) headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City, sinabi kahapon ni NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan na batay sa assessment ng ahensiya ay umabot sa P14,250,000 ang kabuuang pinsala sa mga kalsada, habang mga nasirang tulay ay naghahalaga ng P89,200,000.

Kasabay nito, sinabi ni Marasigan na umabot na sa walo ang nasawi sa lindol, na ang huling apat ay beberipikahin pa ng Department of the Interior and Local Government (DILG), makaraang matukoy na ang pagkakakilanlan ng apat na iba pa.

Aniya, nasa 202 katao ang nasugatan at dinala sa iba’t ibang ospital sa lalawigan, samantalang 140 pa lang sa mga ito ang natukoy ang pagkakakilanlan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nasa 1,034 na pamilya, o 5,170 katao, mula sa limang munisipalidad ng probinsiya ang apektado ng lindol, ayon kay Marasigan.

Dagdag pa niya, bagamat naibalik na ang supply ng kuryente sa Surigao City, nananatili pa ring nangangapa sa dilim ang mga bayan ng San Francisco, Malimono, Placer, Sison at Taganaan.

APELA SA DONASYON

Kaugnay nito, umaapela ng donasyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa libu-libong pamilya sa lalawigan dahil sa kawalan ng supply ng tubig, matapos na mapinsala ang mga water system sa Surigao City at sa San Francisco, Malimono, Mainit at Sison.

“We need to continue the provision of relief assistance to the citizens of Surigao, and this includes water. There is no way that people can function well and survive without a steady supply of water for drinking and for other household needs,” sabi ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo.

ILANG LINGGO PANG YAYANIGIN

Hanggang kahapon ay aabot sa 147 ang naramdamang aftershocks sa lalawigan at sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum, Jr. na posibleng tatagal pa ng ilang linggo ang mga nararanasang aftershocks.

“Posible itong magtagal ng mga araw hanggang mga linggo. Minsan buwan ‘yan. Ang bilang ng mga aftershocks ay bababa with time pero sa mga first three days ay marami-rami pa. So far, ang pinakamataas na magnitude na naitala natin ay magnitude 4.9 noong Sabado ng hapon at Intensity 5 ang pag-uga,” ani Solidum.

Posible rin aniyang makaranas ng hanggang 6.0 magnitude na aftershocks sa Surigao City.

(FRANCIS WAKEFIELD, AYTCH DELA CRUZ at ROMMEL TABBAD)