ANG panawagan ng mahigit isandaang kongresista na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa National Democratic Front (NDF), na kumakatawan sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sa New People’s Army (NPA), ay sumasalamin sa panghihinayang kung tuluyang aabanduhahin ang negosasyon kahit na marami nang napagtagumpayan ito.
Ang panawagan upang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan ay ginawa nitong Huwebes ng nasa 100 mambabatas na kinatawan ng Makabayan bloc sa Kamara de Representantes, kasunod ng pagkabigo ng huling negosasyon sa Rome, Italy.
Dismayado sa pagtanggi ni Pangulong Duterte na agarang palayain ang nasa 400 political detainee, inihayag ng NDF-CPP-NPA panel na ipinauubaya na nito sa mga pinuno ng NPA kung tatalima pa rin ang mga ito sa sariling unilateral ceasefire. Tinugon ito ni Pangulong Duterte ng sarili niyang deklarasyon na nagkakansela sa tigil-putukang ipinaiiral ng gobyerno.
Kabilang sa mga Makabayan bloc ng Kamara ang mga mambabatas mula sa mga organisasyong party-list na Bayan Muna, Gabriela, Alliance of Concerned Teachers, Anakpawis, at Kabataan. Pinanghihinayangan ng grupo ang pagkabigo ng negosasyon gayung may ilan nang anila ay napagkasunduan.
Nagdaos ng tatlong sesyon ang magkabilang panig sa negosasyon — ang unang dalawa ay ginawa sa Oslo, Norway, at suportado ng gobyernong Norwegian, at ang ikatlo ay sa Rome, Italy. Nagkasundo ang dalawang panig sa ilang usapin sa ilalim ng Socio-Economic Reforms at Political-Constitutional Reforms. Tatalakayin nila ang mga panukala para sa nagbubuklod na bilateral ceasefire — na hahalili sa magkahiwalay nilang ipinaiiral na tigil-putukan — sa susunod nilang pulong sa Pebrero 22-25 sa Utrecht, Switzerland.
Sa resolusyon nito na humihimok sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, binigyang-diin ng Makabayan na malayo na ang narating ng mga negosasyon sa administrasyong Duterte kumpara sa mga naunang pamahalaan. Bilang tugon sa pahayag ng Presidente na magpapatuloy lamang ang usapang pangkapayapaan kung mayroong mabigat na dahilan sa kapakinabangan ng bansa, iginiit ng Makabayan na isang “makatwiran at pangmatagalang kapayapaan” ang mabigat na dahilan upang ipagpatuloy ang negosasyon.
Kinakailangang pag-aralan ng dalawang panig ang kani-kanilang paninindigan sa pagpapalaya sa mga political prisoner at magkasundo sa pagkokompromiso. Marapat din nilang pag-usapan ang reklamo ng NPA na tumutulong ang mga sundalo ng gobyerno sa mga programang pangkomunidad sa mga lugar na nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan.
Pawang maliliit ang mga usaping ito kumpara sa solido at pangunahing mga isyung socio-economic at political-constitutional na una nang natalakay ng magkabilang panig. Kahit pa walang deklaradong tigil-putukan, dapat na pagsikapan ng dalawang panig na maiwasang magkaroon ng anumang engkuwentro. Sa tamang pagkakataon, darating ang wastong panahon para sa pag-uusap at magpapatuloy ang negosasyon para sa pangmatagalang kapayapaan.