IKINAGULAT ko ang biglang paglambot ng paninindigan ni Pangulong Duterte sa pagpapatupad ng mga kasunduang nilagdaan ng ating gobyerno at ng gobyerno ng United States of America. Pinayagan na ng Pangulo ang konstruksiyon ng US military facilities sa ating mga kampo, kabilang na ang mga barracks o mga gusali na paglalagyan ng mga sasakyan at fuel tanks para sa mga eroplano ng US. Ang naturang mga kampo ay gagamitin din ng ating mga sundalo na lalahok sa joint PH-US military exercises.

Sa isang matalinhagang paglalarawan, mistulang lumambot ang puso ng Pangulong Duterte sa US at sa dating liderato nito na malimit niyang pasaringan ng matitinding patutsada. Dahil kaya ito sa pagkakahalal ni President Donald Trump?

Hindi ko malilimutan, na noong panahon ni President Barrack Obama, tahasang pinalalayas ni Pangulong Duterte ang US troops na nakahimpil sa mga estratehikong lugar sa ating bansa. Ang kanyang reaksiyon ay nakaangkla sa tandisang panghihimasok ng dating US President sa mga patakarang ipinaiiral ng kasalukuyang administrasyon, lalo ang hinggil sa sinasabing talamak na paglabag sa karapatang pantao.

Ang pagbibigay ng Pangulo ng ‘green light’ sa pagtatayo ng mga pasilidad ng US ay natitiyak kong batay sa probisyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na pinagtibay ng PH at US noong Abril 2014. Nagbibigay ito ng karapatan sa mga sundalong Kano na gumamit ng ating mga kampo; pinahihintulutan din ang pagdaong ng US ships, paglanding ng mga eroplano at kawal, kabilang na ang pag-iimbak ng mga kagamitan para sa humanitarian operations, lalo na kung may kalamidad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa pagbibigay ng naturang pahintulot, mahigpit ang tagubilin ng Pangulong Duterte: “Okay, go ahead but be sure there will be no stockpiling of ammunition there.” Nakaangkla ang kanyang paninindigan sa itinatadhana ng EDCA.

Sa kabila ng mahigpit na... pagtutol noon ng Pangulo sa mga ayuda na ipinagkakaloob sa atin ng US, hindi nagbabago ang aking paniniwala na ang US ay dapat lamang nating makaagapay sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran.

Maraming pagkakataon na ang nasabing bansa ay naging katuwang natin sa mga kaunlarang pangseguridad, pangkabuhayan at panlipunan. Hindi maikakaila na hanggang ngayon, nakasandal pa rin tayo sa itinuturing nating ‘big brother’, lalo na ngayon na unti-unting lumilinaw na ang ating Pangulo at si Trump ay magkasanggang-dikit, wika nga.

Naniniwala ako na ang pagkakaroon ng ating Pangulo ng maunawaing puso ay simula rin ng mabuting relasyon ng mga Kano at mga Pilipino. (Celo Lagmay)