HONOLULU, Hawaii – Sinabi ng isang eksperto na mas nakababahala ang magiging epekto sa ekonomiya at sa mga maralitang taga-lungsod kapag tumama ang mga kalamidad gaya ng bagyo dahil sa kawalan ng urban development policy sa Pilipinas.
Nagsalita sa mga Pilipinong mamamahayag na kasali sa US-Philippines Relations Reporting Tour, sinabi ni Allen Clark, senior fellow sa East West Center Research Program, na ang malawakan at walang planong urbanisayon sa mga sentro ng lungsod sa bansa na sinabayan ng climate change at paglobo ng populasyon ay magdudulot ng matinding trahedya.
“If you combine climate change and urbanization process and this increasingly marginalization of large group of people, future disasters are going to be much larger and much more severe than we’ve seen before,” aniya.
Binanggit niya ang epekto ng Super Typhoon Yolanda na nagdulot ng matinding pinsala noong Nobyembre 8, 2013 sa Visayas kung saan 6,300 katao ang namatay at 1,473,251 pamilya ang naapektuhan.
Sinabi niya na ang pandarayuhan ng mga pamilya mula sa kanayunan patungo sa mga lungsod para maghanap ng mas magandang buhay ay nagdudulot ng mabilis na paglago ng populasyon sa mga sentro ng lungsod na hindi naiuulat at hindi natutugunan nang maayos.
“It’s a matter of opportunities. There’s more money there,” aniya.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), apat sa 33 malalaking lungsod sa bansa ang lumagpas sa isang milyon ang populasyon: Quezon City (2.94 milyon), City of Manila (1.78 milyon), Davao City (1.63 milyon), at Caloocan City (1.58 milyon), ayon sa ulat ng PSA.
Sinabi ni Clark na nakaaalarma ang paglipat ng mga tao mula sa kanayunan patungo sa mga lungsod dahil lumilikha ito ng mas maraming “slums and slum living,” na naglalapit sa mga pamilya sa mas malaking panganib.
Aniya, mas maraming problema ng lipunan ang matatagpuan sa mga maralitang lugar sa lungsod, na lalong lumalala kapag hindi kaagad natugunan.
“You’ve got all the social problems. That means a lot of your infrastructure developments,” aniya.
Sinabi ni Davao City-based Interface Development Interventions (IDIS) executive director Ann Fuertes na ang mabuting urban planning ay isinasaalang-alang ang “land-use or allowable use of certain area, given its condition or situation. If it’s near rivers then it should be left as protected area or develop into a natural park.”
(Antonio L. Colina IV)