DINALAW ni Coco Martin ang mga lolo at lola sa Grace Foundation Home for the Aged nitong nakaraang Biyernes ng umaga.
Laking gulat at naglundagan sa tuwa at napayakap sa aktor ang mga lola at lolo. Ang pinapanood lang nila at gustung-gustong bida ng FPJ’s Ang Probinsyano ay nakita nila nang personal.
Hindi kaila sa publiko na malapit talaga sa matatanda si Coco na laki sa lola na kapiling pa rin niya hanggang ngayon.
Namahagi si Coco ng Ang Probinsyano pillows, toiletries at pangmeryendang Jollibee kaya abut-abot ang pasasalamat ng mahigit na 300 lolo at lola na dinalaw niya.
Panay pa rin ang pasasalamat at kawanggawa ng aktor sa suportang ibinibigay sa kanya ng publiko. Tuwang-tuwa rin siya nang malaman na bago matulog ang matatanda ay kailangang mapanood muna nila si Cardo Dalisay.
Huwag nang pagtakahan kung hindi man tumitigil ang pagdagsa ng blessings kay Coco, marunong talaga siyang magbalik o mag-share ng mga biyaya sa mga taong nangangailangan.
Patuloy pa ring umaarangkada sa ratings game ang FPJ’s Ang Probinsyano at inaabangan ng mga manonood ngayon ang pagkikita nina Cardo Dalisay (Coco) at Joaquin Tuazon (Arjo Atayde).
Samantala, pinuri si Coco ni Department of Interior and Local Government Secretary Mike Sueno kamakailan. Buong ningning nitong sinabi sa harap ng mga pulis na gawing inspirasyon ang ginagampanang papel ng Kapamilya actor sa Ang Probinsyano.
“Ipakita natin na buhay pa rin ang diwa ng kabayanihan sa puwersang pulis, sa mga taong inaasahang maging modern-day heroes katulad ni Cardo Dalisay mula sa teleseryeng Ang Probinsyano at lalo na ang ating mga true-to-life heroes tulad ng SAF 44. Let their sacrifices to the poor and to the country not be in vain,” wika ni Sec. Sueno sa kanyang speech sa 26th Philippine National Police Foundation Day sa Camp Crame noong Pebrero 6.
Siyempre, parang tropeo na rin ang natanggap ni Coco at ng produksiyon ng serye sa tiwala at pagkilalang ito ng PNP at DILG. (Reggee Bonoan)