GINULAT at sinorpresa ng pop superstar na si Beyonce, na proud na hinahawakan ang kanyang sinapupunan, sa muling pagtatanghal nito sa Grammys na kanyang unang public appearance simula nang ihayag ang kanyang pagbubuntis.
Suot ang sheer, kumikinang na gold dress at halo, kumanta si Beyonce ng medley ng mga emotional ballad na Love Drought at Sandcastles mula sa Lemonade, ang kanyang nominadong album sa Grammys na tungkol sa feminisim, pagtataksil at lahi.
Habang nakaupo at pinapalibutan ng mga lumulutang na petal, lumabas din ang 35-anyos na singer sa video projection na nakasuot ng gold-chain string bikini.
Nanguna si Beyonce sa nominasyon nitong Linggo na may siyam na nominasyon at nanalo ng isa sa unang bahagi ng awards night sa kanyang Formation music video.
Kalaban niya si Adele, 28, na tanging singer na nominado sa tatlong pangunahing award – ang album, song, at record of the year.
Si Adele ang nagbukas ng isa sa pinakamalaking awards night sa industriya ng musika nitong Linggo, na nakapanalo ng dalawang awards sa unang bahagi ng palabas at nagtanghal ng kanyang patok na ballad na Hello na binura ang hindi masyadong magandang pagtatanghal nito sa entablado ng Grammys noong nakaraang taon.
Nitong unang bahagi ng Linggo, tinalo ni Adele si Beyonce sa pop vocal performance category, at ang kanyang 25 ay nanalo rin ng pop vocal album. (Reuters)