HINDI straight na musical show ang iho-host ni Regine Velasquez-Alcasid kundi comedy-musical show, ang Full House Tonight. Natanong ang Asia’s Songbird sa press launch nito kunh bakit siya nag-stick sa GMA Network.
“Napakabait sa akin ng GMA kasi, sa kahit anong gawin ko for them, they involve me as part of the creative team na bumubuo ng show,” sagot ni Regine.
“Tinatanong nila ako kung may ideas ako or suggestions, kasali ako sa pre-production meetings and I really appreciate that. Naging generous din sila sa akin, binigyan nila ako ng time to be a mother to Nate, after ko siyang isilang five years ago, then they waited for me to lose weight. Maluwag sila sa akin. Kaya kailangan ko namang ibalik sa kanila iyon na pinasusuweldo nila ako na hindi naman ako nagtatrabaho.
“Iyong lifestyle-cooking show ko, ang Sarap Diva every Saturday morning, five years na rin iyon. At bukod dito sa Full House Tonight na mapapanood naman ako every Saturday evening, gagawin ko rin ang Mulawin vs. Ravena, na ang role ko, isa akong reyna, Reyna ng Kalikasan.”
Bakit nga ba hindi straight musical show ang gusto niya?
“Mahirap din gawin ang isang straight musical show dahil nagkakaroon ito ng conflict kapag mayroon namang akong concert here and abroad. Parang ang ginagawa ko sa isang musical show, iyon din ang gagawin ko sa concerts ko.”
Host lang ba siya ng comedy-musical show?
“No, I will do three song numbers, then kasama ako sa comedy skits ng mga kasama ko sa show. Ang format nito parang Saturday Night Live at Sunday Pinasaya, may mga sketches, stand-up comedy and musical numbers. Makakasama ko rito sina Solenn Heussaff, the teen love team of Miguel Tanfelix at Bianca Umali, plus si Joross Gambao at sina Kim Idol, Tammy Brown, Sarah Brakensiek, Terry Gian at Philip Lazaro.”
Mapapanood ang Full House Tonight simula sa Sabado, February 18, pagkatapos ng Magpakailanman, sa direksiyon ni Louie Ignacio. (NORA CALDERON)