Kasado na ang mga reklamong ihahain ni Senator Leila de Lima laban kay Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y “maraming kasalanan” ng kalihim, kabilang na ang naging papel nito sa pagdidiin umano sa senadora sa kalakalan ng ilegal na droga.

“Yes, my legal team is working on it. We are filing our own complaint against Secretary Aguirre with the Office of the Ombudsman. Marami na po ang kasalanan niya,” sinabi ni De Lima sa isang panayam.

Pinakamatinding kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni De Lima na isa sa maraming kailangang panagutan ni Aguirre ay ang pagpapahintulot nitong makaalis ng bansa ang retiradong police general na si Wenceslao “Wally” Sombero.

Isa si Sombero sa mga pangunahing testigo na inimbitahan ng Senate blue ribbon committee kaugnay ng imbestigasyon nito sa umano’y P50-milyon bribery scandal na kinasasangkutan ng ilang dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) at ng negosyanteng Chinese na si Jack Lam.

'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap

VIP TREATMENT

Ayon sa kampo ni de Lima, kabilang sa mga isasampa nilang kaso kay Aguirre ang perjury at tampering with witnesses dahil sa pagpilit umano nito sa ilang bilanggo para tumestigo laban sa senadora.

Sinabi ni De Lima na ang confidential memorandum ni Aguirre na nagbibigay-kalayaan sa mga bilanggo sa paggamit ng gadgets sa custodial center ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kapalit umano ng pagtestigo laban sa kanya ay matibay na ebidensya.

Binigyang-diin din ni De Lima na matagal na siyang nais ipakulong ng administrasyong Duterte kaya naman sa regular na korte inihain ang mga kaso laban sa kanya para mapabilis ang paglalabas ng warrant of arrest sa halip na sa Office of the Ombudsman.

ATAT MAIPAKULONG?

“Matagal na ho akong pina-project ng mga ‘yan. Katuparan lang po ‘yan ng matagal nang inuutos ng Pangulo. ‘Di ho ba ilang beses na ho na niyang (Duterte) sinasabi na, he wants me locked up in jail to suffer the fate of the former President Gloria Macapagal-Arroyo?” ani De Lima.

Inihayag pa ni De Lima na anumang oras ay ilalabas na ang arrest warrant laban sa kanya at umaasa rin siya na kaagad na mailalabas ang temporary restraining order (TRO) laban dito.

“Bakit ho? Kasi ‘yun ho ang utos ng Pangulo, na dapat maaresto kaagad ako dahil mas madali ho sigurong makakuha ng arrest warrant sa regular courts. Kasi kung dadaan pa sa Ombudsman, ‘yung Ombudsman naman po would do its own independent fact-finding d’yan sa mga alegasyon na ‘yan and will do its own preliminary investigation at hindi nito basta basta ia-adopt ang findings ng DoJ,” paliwanag ni De Lima.

RULE OF LAW

Kaugnay nito, tiniyak naman ng mga kapwa senador mula sa Liberal Party na sisiguruhin nilang naaayon sa batas sakaling arestuhin si De Lima.

“If that happens, we will see to it that the rule of law is followed. It should be followed,” sabi ni Sen. Franklin Drilon, idinagdag na hindi nila papayagang dakpin si De Lima sa loob ng session hall ng Senado.

Gayunman, aminado si Drilin na hindi maaaring igiit ang kustodiya sa senadora.

Sa kanyang panig, siniguro naman ni Secretary Aguirre na hindi niya iniimpluwensiyahan ang mga korte kaugnay ng paglalabas ng arrest warrant laban kay De Lima.

Ayon kay Aguirre, “it is totally irresponsible of her (De Lima) to announce that the DoJ is expediting the issuance of such warrants.”

Matatandaang kinasuhan si De Lima sa pagkakasangkot umano sa bentahan ng droga sa New Bilibid Prison (NBP) na inihain ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), NBI, ng dating NBI deputy directors na sina Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala, at ng bilanggong si Jaybee Sebastian.