DAMA na ang simoy ng pagmamahalan habang papalapit ang Araw ng mga Puso, at may mungkahi ang kagawaran ng kalusugan upang maging “healthy” ang pagdiriwang bukas ng Valentine’s Day para sa mga romantiko.
Sinabi ni Health Secretary Dr. Paulyn Ubial na ang pagtigil sa paninigarilyo ang pinakamainam na paraan upang mapatunayan ng mga nagyoyosi ang pagmamahal sa kani-kanilang iniibig.
“Ang pagtigil sa paninigarilyo ang best Valentine’s Day gift para sa inyong minamahal,” sabi ni Ubial, at nagpaalala sa mga nakamamatay na epekto ng paninigarilyo—atake sa puso, stroke at cancer.
Kasabay nito, aniya, dapat na himukin ng mga hindi nagyoyosi ang kanilang mga naninigarilyong sinta na tigilan na ang nasabing bisyo.
Para naman sa mga nagpaplanong pagbigyan ang hilig ng kanilang mga minamahal sa matatamis na pagkain, sinabi ng kalihim na mas mainam kung gawan na lang ng awitin, ng tula o love letter ang iniibig dahil higit itong nagpapakita ng pagmamahal at kalaunan ay nagiging bahagi pa ng masasayang alaala.
Ngunit ngunit tsokolate talaga ang hilig, piliing magregalo ng dark chocolate, na may 60-70 porsiyentong cocoa content at hindi masyadong matamis, ayon kay Ubial.
Mayaman ang dark chocolate sa antioxidants at flavonoids na nagpapababa ng panganib ng sakit sa puso, ayon sa kalihim, kasabay ng babala na sasapat na ang 1 oz. o 30 gramo kada araw.
Inirekomenda rin niya ang candlelight dinner sa bahay, na tatampukan, siyempre pa, ng sariling luto ng masusustansiyang pagkain—at ang main course ay tuna, bangus at salmon habang sariwang prutas naman ang panghimagas—kaysa mamahaling hapunan sa isang restaurant. Ngunit kung mayroon nang reservations, tiyakin na lamang ng magka-date na kakaunti lang ang kakainin nilang mamantikang pagkain, at pipiliing mag-order ng pinakamasusustansiya sa menu.
Iminungkahi rin ni Ubial sa mga magkasintahan, mag-asawa at pamilya na mainam ding bonding ngayong Araw ng mga Puso ang sama-samang brisk walking sa parke. “Ang paglalakad ng 30 minuto ay mabuti para sa puso,” aniya.
Gayunman, ang pinakadakilang regalong maihahandog ng mga nagmamahal ay ang mangako sa isa’t isa na mananatiling tapat sa iniibit, ayon sa kalihim, sinabing nababawasan ang panganib sa pagkakaroon ng sexually transmitted disease kapag umiibig at nakikipagtalik lamang sa iisang tao. - PNA