IPINAG-UTOS ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapasara sa 23 kumpanya ng minahan at ang pagsuspinde sa limang iba pa dahil sa mga paglabag sa mga batas at regulasyong pangkalikasan. At gaya ng iba pang mga pangunahing desisyon ng gobyerno, mayroon itong mga bentahe at disbentahe na dapat ngayong pagnilay-nilayan ng pamahalaan alang-alang sa kapakanan ng bayan.
Hulyo ng nakaraang taon nang ipag-utos ni DENR Secretary Gina Lopez ang pagbusisi sa operasyon ng 41 nagmimina ng metal sa bansa. Makalipas ang tatlong buwan, iniulat na ng Mines and Geosciences Bureau, ang nagsagawa ng auditing, ang natuklasan nito. Tanging 11 kumpanya ang pumasa sa mag patakaran, habang 30 ang kung hindi nasuspinde ay inirekomendang suspendihin sa kabiguang makasunod sa environmental safety standards. Ngayong buwan, sinabi ni Secretary Lopez na 23 minahan ang ipinag-utos niyang isara dahil sa ilegal na pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga watershed, sa pagtatapon ng basura sa mga ilog, at sa pagsira sa mga punongkahoy.
Ang mga ito ang mga pag-abuso sa kalikasan na nakaapekto sa buhay ng mga nakatira malapit sa mga minahan, at kaagad na kumilos si Secretary Lopez, kilala sa pagsusulong ng proteksiyon ng kalikasan, alinsunod sa kanyang kapangyarihan bilang bagong kalihim ng DENR.
Gayunman, may masasamang epekto ang biglaang pagsasara ng mga minahan.
Karamihan sa mga ipinasara ay mga nickel mine, bumubuo sa kalahati ng kabuuang iniluluwas na ore ng bansa, ang malaking bahagi ay sa China. Noong 2015, nakapag-produce ang Pilipinas ng 24 na porsiyento ng nickel na ginagamit ng mundo sa pagbuo ng bakal. Ang mga kumpanyang ito ay may taunang produksiyon na aabot sa P66.6 bilyon. Nagbabayad sila sa gobyerno ng P16.7 bilyon halaga ng buwis.
Nakatakdang malugi ang mga lokal na pamahalaan sa mga lalawigan kung saan matatagpuan ang mga kumpanya—ang Benguet, Nueva Vizcaya, Palawan, Cebu, Bulacan, Zambales, Eastern Samar, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur—ng mahigit P441 milyon sa taunang real estate tax, local business tax, mayor’s permit fee, regulatory at administrative fee, at occupation fee. Mawawala rin sa mga lokal na pamahalaan ang kanilang P211 milyon kabahagi sa mga mining tax na kinokolekta ng gobyerno.
Nasa mahigit 1.2 milyong manggagawa rin ang mawawalan ng trabaho kung tuluyang maipasasara ang 23 kumpanya ng minahan, ayon kay Chamber of Mines of the Philippines Chairman Artemio Disini.
Lumantad ang mga environmentalist upang magpakita ng suporta sa nasabing hakbangin ng DENR, ngunit ang nahahantad nang masasamang epekto ng pagpapasara sa mga minahan ay nagbunsod kay Pangulong Duterte at sa kanyang Gabinete na magpasyang pakinggan ang panig ng mga kumpanya ng minahan na handang tugunan ang mga alegasyon o kaya naman ay nag-aalok ng mga kinakailangang remedyo upang makatupad sa mga panuntunan ng pamahalaan. Partikular na pinangangambahan ng marami ay ang libu-libong trabaho na mawawala, sa panahong kailangan ng bansa ang mas maraming hanapbuhay upang maresolba ang problema sa matinding kahirapan.
Hindi solusyon ang pagpapasara sa mga minahan. Nagkaroon ng mga paglabag at nagpatuloy ang mga ito dahil hindi ginawa ng mga dating opisyal ang kani-kanilang trabaho. Totoo ito sa kaso ng mga minahan na natuklasang nag-o-operate sa mga watershed. Maaaring malaking gastusin, ngunit nakatitiyak tayong handa ang mga kumpanya ng minahan na magpatupad ng kinakailangang mga remedyo upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon nang naaayon sa mga batas pangkalikasan.