ni Argyll Cyrus B. Geducos
“My hands are tied.”
Ito ang inihayag ni Pangulong Duterte kahapon kasabay ng pangakong maghahanap siya ng alternatibong pagkakakitaan ng mga taong maaapektuhan sakaling ipasara ang mga minahan sa Surigao del Norte.
Sinabi ni Duterte, sa kanyang pagbisita kahapon sa mga biktima ng magnitude 6.7 lindol sa Surigao City, na wala siyang magagawa sakaling ipasara ng Department of Natural Resources (DENR) ang minahan.
“I told the Governor, if [DENR Secretary] Gina [Lopez] decides to shut down the mines, I can’t do anything,” aniya.
Aniya, sa pagpunta niya sa Surigao City Auditorium ay napagtanto niya na ang Surigao ang probinsiyang may pinakamaraming minahan.
“It looks like a bottlecap that’s turned brown. It reaches up to Davao, in the fields. Davao is also affected [by mining],” sabi ng Pangulo.
Ayon sa kanya, kapag hindi naibalik ng mga mining firm ang lupa sa dati nitong kalagayan, mapipilitan siyang ipasara ang lahat ng ito.
Gayunman, sinabi niya na ang pinakamalaking problemang kakaharapin ay mawawalan ng hanapbuhay ang mga minero.
“If I can find another industry to replace mining, maybe I really would close them since they’re really ruining our fields. It’s all cleaved up,” sabi niya. “I’ll just look for another livelihood for you.”