GINAPI ng defending champion Adamson Lady Falcons ang University of the East Lady Warriors, 9-3, nitong Huwebes para manatiling malinis ang karta sa UAAP Season 79 softball tournament sa Rizal Memorial Stadium.
Sinamantala ng Lady Falcons ang masamang pitching ng karibal para maitala ang limang run sa second inning.
“Luckily lang na ‘yung kalaban namin nag-e-error. ‘Yun yung isa sa mga talagang advantages na pino-promote ng national team na short game,” sambit ni Adamson mentor Ana Santiago.
“Yung palo namin, nasa lupa ngayon kaya malaki yung tulong. Yung hitting, hindi pa rin ganun kaganda but yung defense was there,” aniya.
Samantala, naitala ng University of Santo Tomas Softbelles ang ikalawang sunod na panalo nang pabagsakin ang University of the Philippines Lady Maroons, 5-2.
“Kasi gusto mabigyan siya ng break. May mga record kami sa national team, kailangan niyan mayroon silang monthly report, since nagstastart na training nila this coming World Championships, so sila yung ina-eye na number one or number two (Garde and Antolihao),” sambit ni coach Sandy Barredo.
Dinomina naman ng De La Salle Lady Batters ang Ateneo Lady Eagles, 11-1, para sa abbreviated four-inning match.