Matindi ang pagtutol ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamimigay ng libreng condom ng Department of Health (DoH) sa Valentine’s Day, at hinikayat ang publiko na iwasan ang komersiyalismo sa pagdiriwang ng okasyon sa Martes.
Ayon kay Father Kunegundo Garganta, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Youth (ECY), sakaling muling mamimigay ang gobyero ng condom sa Araw ng Puso, dapat maging responsable ang mga mananampalataya at ipaliwanag na mali ang kaugaliang ito.
“Kung merong kakayahang magsalita, magpaliwanag na mali ang kaugaliang ito ay huwag manahimik lang,” paalala ni Garganta, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Nanawagan din ang Simbahan sa publiko na alisin ang komersiyalismo sa pagdiriwang ng Valentine’s Day. “Unang-una, naha-highlight yung romantic atmosphere ng celebration na hindi sana naiiwan doon sa romanticism kundi to really celebrate what really true love is na responsible, capable of forgetting oneself to really look the good of the other person,” ani Garganta.
Isinuhestyon niya na ipagdiwang ang Valentine’s Day kasama ang pamilya at mga kaibigan. “Maganda lutang sa ganitong pagdiriwang yung celebration with the family. With the young people, i-celebrate yung love at the atmosphere of peace, of harmony, of order,” sabi pa ni Garganta. (MARY ANN SANTIAGO)