TALAVERA, Nueva Ecija - Dahil sa masigasig na pagtugis, tuluyang naaresto ng tracker team ng pulisya ang isang 23-anyos na akusado sa rape makaraan ang apat na taong pagtatago sa batas, matapos itong masakote sa Barangay San Miguel Na Munti sa Talavera, Nueva Ecija, nitong Biyernes ng tanghali.
Kinilala ni Senior Insp. Latino Mariano, hepe ng Rizal Police, ang naarestong si Jayson Ducusin y Vidal, 23, may asawa, ng Bgy. Poblacion West, Rizal, Nueva Ecija.
Dinakip si Vidal sa bisa ng arrest warrant para sa kasong rape, at walang inirekomendang piyansa ang korte para sa suspek. (Light A. Nolasco)