Isinailalim kahapon sa state of calamity ang buong Surigao City sa Surigao del Norte matapos itong yanigin ng 6.7 magnitude na lindol nitong Biyernes ng gabi, na ikinasawi ng anim na katao habang maraming iba pa ang nasugatan at nagbunsod ng pagkawala ng kuryente, linya ng komunikasyon at pagsasara ng ilang kalsada.

Sa emergency meeting ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) kahapon, sinabi ni Vice Mayor Alfonso Casurra na nasa state of calamity na ang buong siyudad dahil sa matinding pinsalang idinulot ng lindol, na yumanig sa lungsod bandang 10:03 ng gabi nitong Biyernes.

“Aside of severe damage of infrastructures and business establishments we also declared the entire city under a state of calamity because seven persons were already reported dead while 30 other persons were injured that are now admitted at various hospitals here,” sinabi ng bise alkalde kahapon ng tanghali.

Napaulat na nagdulot ng panic sa mga residente ang pito hanggang 10 segundong pagyanig sa pangambang magkakaroon ng tsunami kaya nagsilikas ang mga ito patungo sa mataas na lugar sa bahagi ng kapitolyo, bagamat kaagad namang tiniyak ng Pacific Tsunami Warning Center na hindi magdudulot ng tsunami ang lindol.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Naitala ang Intensity 6 sa mga bayan ng Malimono at San Francisco sa Surigao Del Norte at sa Pintuyan, Southern Leyte; Intensity 5 sa Mainit at Placer, Surigao Del Norte, Libjo at San Jose sa Dinagat Island, Mandaue City sa Cebu, San Ricardo, Limasawa at San Francisco sa Southern Leyte; Intensity 4 sa Hinunangan at San Juan, Southern Leyte; Abuyog at Mayorga sa Leyte, at Butuan City at Cabadbaran sa Agusan del Norte.

Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang epicenter sa 77 kilometro sa hilaga ng Surigao City, at lumikha ang tectonic na pagyanig ng 10 kilometrong lalim sa kalupaan.

Sinabi rin ng Phivolcs kahapon na aabot na sa 100 aftershock ang naramdaman sa siyudad kasunod ng lindol.

HINDI MADAANAN

Samantala, milyun-milyong pisong halaga ng imprastruktura at iba’t ibang negosyo ang napaulat na napinsala dahil sa lindol.

Batay sa report na inilabas ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bandang 8:00 ng umaga kahapon, isinara sa mga motorista ang Surigao-Agusan section at Surigao-Ipil-Lipata section ng Daang Maharlika Road matapos itong magkabitak-bitak.

Gumuho naman ang Anao-aon Bridge sa bayan ng San Francisco kaya hindi rin ito maaaring daanan, habang iisang lane lang ng Malico Bridge ang ipinagagamit sa magagaang na sasakyan matapos din itong masira sa pagyanig.

Pansamantala ring isinara ang mga gusaling napinsala at nagkabitak upang maiwasan ang anumang aksidente.

AIRPORT SARADO HANGGANG MARSO

Iniulat din kahapon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagsasara ng operasyon ng Surigao Airport hanggang sa umaga ng Marso 10 matapos na masira ang 1,700-metrong konkretong runway na agarang kukumpunihin.

Nag-ulat naman ang pamunuan ng Surigao del Norte Electric Cooperative ng paunang pinsala na aabot sa P5 milyon, kasunod ng pagkawala ng supply ng kuryente sa buong siyudad.

Samantala, nangangailangan ang Caraga Regional Hospital (CRH) ng mas maraming tent, folding bed at iba pang kagamitang medikal para sa mga nasugatan sa lindol.

Nasa “Code Blue Alert” status, may 80 katao ang nagpapagaling ngayon sa CHR habang 20 pasyente naman ang nasa Surigao Medical Center, bukod pa sa walong nasa Miranda Hospital.

Ilan sa mga nasawi sa lindol ang kinilalang sina Lorenzo Deguinio, Robert Iludo, Jr., JM Ariar at Lito Welson.

AYUDA

Sinabi ni Surigao del Norte Gov. Sol F. Matugas na kaagad na nagkaloob ng ayuda ang pamahalaang panglalawigan sa mga nabiktima ng lindol, na nangakatuloy ngayon sa iba’t ibang day care at health centers at mga basketball court.

Rumesponde ang iba’t ibang rescue at quick responde teams upang ayudahan ang mga nilindol, habang kinumpirma naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 13 Director Mita Chuchi G. Lim na nakapamahagi na ang kagawaran ng 8,258 family food pack sa siyudad.

BAYANIHAN

Kasabay nito, nanawagan kahapon si Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa publiko na ipanalangin at ipagpatuloy ang diwa ng bayanihan kasunod ng trahedya sa Surigao City.

“Let’s be careful, let’s be cooperative with one another. And let us avoid ‘yung mga areas where the structures are unsteady and unsure,” sinabi ni Abella nang kapanayamin sa Radyo ng Bayan. “Patuloy po tayo na—we’ll be looking out for one another. These are trying times and we are—our hearts go out to the Surigaonon.”

(May ulat nina Argyll Cyrus Geducos at Ariel Fernandez) (FER TABOY, ROMMEL TABBAD at MIKE CRISMUNDO)