IPINAGDIRIWANG ngayong ikatlong Linggo ng Pebrero ang masaya, makulay at makahulugang kapistahan ng Morong sa Rizal.

Ang tema ng pagdiriwang ngayong 2017, ayon kay Morong Mayor Mando San Juan, ay “Kaunlaran at Kapayapaan para sa Kinabukasan ng mga taga-Morong”. Tampok ngayong umaga ng Pebrero 12 ang isang Misa ng Pasasalamat sa makasaysayang Simbahan ng Morong na pangungunahan ng kura paroko ng Saint Jerome parish na si Rev. Fr. Bienvenido Guevara. Ang pagdiriwang ng kapistahan ng Morong, Rizal ay nasa ika-439 na taon na.

Bago sumapit ang araw ng kapistahan, iba’t ibang gawain ang inilunsad bilang bahagi ng pagdiriwang. Sinimulan nitong Pebrero 6 -7 ang patimpalak sa pag-awit ng mga mag-aaral sa public at private elementary secondary school sa Morong sa Tanghalang Francisco Feliciano. Sinundan ito ng Gabi ng Universiy of Rizal System (URS) na tinampukan ng pangkulturang pagtatanghal ng mga mag-aaral at guro sa URS, sa pangunguna ng pangulo ng URS na si Dr. Marita Canapi.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

At nitong Pebrero 9 ay ginanap naman ang Gabi ng Rizal Private Schools Association (RPRISA).

Naging bahagi rin ng pagdiriwang noong umaga ng Pebrero 10 ang drum and lyre parade-exhibition. Sinimulan sa plasa ng Morong at natapos sa municipal gymnasium kung saan idinaos ang exhibition ng mga majorette. Matapos nito ay isinagawa naman ang Dep-Ed night kung saan ipinamalas ng mga esudyante at guro ang kanilang talento sa pagsayaw at pag-awit.

Naging bahagi rin ng pagdiriwang, nitong Pebrero 11, ang pagtatanghal ng mga mag-aaral at guro sa Jesus My Sheperd Montessori School. Kasunod nito ang musical jamboree na pangungunahan ng kilalang singer na si Maria Teresa Gomez. Sa umaga ng bisperas at araw ng kapistahan ay ang parada ng mga banda. At sa Pebrero 13 ay ang boksing sa plasa ng Morong.

Ang salitang Morong ay hango sa pangalang MORO, isang matapang na lider-mandirigma na namuno sa isang barangay sa paanan ng Sierra Madre. Nang lumaon, ang barangay ay tinawag na MORONG bilang pagkilala at parangal sa nasabing lider-mandirigma. Nagsimulang maging Kristiyano ang mga taga-Morong nang maghasik ng binhi ng Kristiyanismo ang dalawang paring misyonero na sina Padre Juan de Placencia at Pedre Diego de Oropesa noong 1578-1583. Itinayo ang unang simbahan noong 1612 ngunit nasunog. Muli itong itinayo noong Hunyo 24, 1850. Mula noon haggang ngayon ay naging sanktuwaryo na ito ng mananampalataya.

Noong 1853, ang Morong ay naging kabisera ng mga bayang karatig nang itatag ang Distrito Politica Militar de Morong.

Naging isang bayan sa Rizal nang pagtibayin ng Philippine Commission ang panukala ni Don Juan Sumulong ng Antipolo na gawing lalawigan ang Distrito Politica Militar de Morong noong Hunyo 11, 1901. Pinalitan ng pangalang Rizal sa mungkahi ni Dr. Trinidad Pardo de Tavera, isang matalino at makabayang Pilipino na kaibigan nina Don Juan Sumulong, Dr. Jose Rizal, at Epifanio delos Santos. (Clemen Bautista)