Marunong makinig si Pangulong Rodrigo Duterte at naiiba lamang ang working style nito kay dating Pangulong Fidel Ramos.
Ito ang idiniin ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, matapos tawagin ni Ramos si Duterte na “insecure” at hindi kinokonsulta ang ibang miyembro ng kanyang Cabinet sa paggawa ng mga polisiya o pagpapasya.
“Nakikinig po siya. Kaya lang po ang proseso niya is slightly different but that doesn’t mean to say hindi siya kumokonsulta,” ani Abella.
Paliwanag niya, magkaiba ang diskarte nina Duterte at Ramos sa pamamahala ngunit hindi ito nangangahulugan na insecure at gumagawa ng ‘one-way decisions’ ang Pangulo.
“Iba lang po siguro talaga ang working style ni PRRD tsaka ni FVR. Si FVR kasi na medyo ang approach niya is more managerial and more corporate,” ani Abella sa panayam sa Radyo ng Bayan.
“While PRRD is more visionary. Hindi po ibig sabihin na insecure ‘yung kanya. He is what you would call a transformational leader, ‘yun bang out of nothing may nagagawa siya,” dagdag niya.
“Magkaibang-magkaiba po talaga ang style nila but we appreciate both.” (Argyll Cyrus B. Geducos)