NAGSISIMULA nang uminit ang debate tungkol sa muling pagbuhay sa parusang kamatayan. Nagsisipaghilera na ang mga miyembro ng Kamara de Representantes at ng Senado sa magkabilang panig ng usapin, na isa sa mga pangunahing adbokasiya ng administrasyong Duterte.
Idineklara ni Speaker Pantaleon Alvarez sa unang bahagi ng nakalipas na linggo na ang pagbabalik ng parusang kamatayan ay pinaninindigan ng buong partido ng PDP-Laban. Ang partido ay mayroong nasa 100 kasapi sa Kamara, at kasama ang iba pa nitong mga kaalyadong partido, ay hawak nito ang mga pangunahing posisyon sa kapulungan, kabilang na ang mga deputy speaker at ang mga pinuno ng mga komite.
Dapat na magsipagbitiw na sa partido ang mga miyembro ng PDP-Laban na tutol sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan, ayon kay Speaker Alvarez. Dapat na ring bitiwan ng mga kaalyadong nasa super-majority ang kani-kanilang posisyon sa Kamara, dagdag pa niya. Partikular niyang binanggit si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo ng partido Lakas-CMD, na ngayon ay deputy speaker. Sa panahon ng administrasyong Arroyo tuluyang ibinasura ng Pilipinas ang parusang kamatayan noong 2006.
Sa Senado, sinuspinde ng Committee on Justice and Human Rights nitong Martes ang mga pagdinig nito sa anim na panukala na nagsusulong sa pagbabalik ng parusang kamatayan. “We are sworn to uphold the Constitution,” sabi ng chairman ng komite na si Sen. Richard Gordon. “If the death penalty is imposed, it violates an international treaty.
That is a culpable violation of the Constitution.”
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Franklin Drilon na lumagda ang Pilipinas sa International Convention on Civil and Political Rights, na niratipikahan ng Senado. “We cannot reimpose the death penalty due to our treaty commitments,” giit niya. “We will be isolated from the international community because we cannot even be trusted to honor our treaty obligations.”
May 40 kongresista ang nakatakdang mag-interpellate laban sa panukala sa muling pagbuhay sa parusang kamatayan, kabilang ang ilang kasapi ng super-majority, ngunit ang pag-apruba rito ay inaasahan sa Kamara de Representantes. Sa Senado, 10 sa 24 na senador ang sinasabing pabor sa panukala, ngunit mahigit 10 ang umano’y kontra rito, kabilang na sina Senators Gordon at Drilon na hiniling sa Senate Committee on Justice na suspendihin ang mga pandinig nitong Martes.
Masusubukan ang disiplina ng partido sa panukala ng pagbabalik sa parusang kamatayan, habang ilang senador naman ang maninindigan sa para sa kanila’y sinumpaan natin sa pandaigdigang komunidad ng mga bansa. Para sa marami sa magkaparehong kapulungan ng Kongreso, magiging boto ito nang naaayon sa konsiyensiya, sa kung ano ang para sa kanila’y wasto, alinsunod sa moralidad, at sa pananampalataya.