Sinabi ng Palasyo na walang “mounting opposition” sa giyera ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at muling binigyang-diin na naiintindihan ng gobyerno ang pag-aalinlangan ng mga tutol dito.

Ito ay matapos sabihin ni United Nations (UN) Special Rapporteur on Extrajudicial Killings Agnes Callamard na ‘tila parami nang parami ang tumututol sa drug war ng bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na naiintindihan ng gobyerno ang mga alalahanin ngunit sinabing karamihan sa mga tutol dito ay ang “minority voice which favors liberal politics” na may sariling agenda.

“We’re not saying they’re wrong, we’re saying that we understand where they’re coming from,” pahayag niya sa isang panayam sa radyo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Base sa ulat ng Reuters, inihalimbawa ni Callamard ang inihintong police operation at ang pagiging seryoso ng Simbahan sa0 ilan lamang sa mga senyales na dumarami ang tutol sa drug war.

“There is an increasing awareness on the part of the Filipino people that the war on drugs could hurt them,” ani Callamard.

Kamakailan lamang ay sinuspinde ni Pangulong Duterte ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsasagawa ng drug operations dahil sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa pagkamatay ng South Korean businessman na si Jee Ick-joo.

PAYONG KAIBIGAN

Samantala, sinabi ni Abella na pinakikinggan at tinitimbang ni Duterte ang mga payo at kritisismo sa drug war.

“He has been listening and he will weigh it himself. He has reacted quite strongly to some comments simply because ang perception po niya is that many of these comments are not really founded on Philippine reality,” ayon kay Abella.

Umani ng batikos ang giyera ng pamahalaan laban sa ilegal na droga ngunit nananatiling matatag si Duterte at determinadong mapuksa ang illegal drug trade sa Pilipinas.

Ang pinakabagong tumuligsa ay si dating Colombian President Cesar Gaviria, na nagpahayag sa kanyang New York Times column na sinusundan lamang ni Duterte ang mga nagawa niyang pagkakamali noong tutukan niya ang laban sa droga sa Colombia sa panahon ng drug kingpin na si Pablo Escobar.

Hindi tinanggap ni Duterte ang “payo” ni Gaviria at tinawag niya ang dating presidente na “stupid”.

“Itong ex-president ng Colombia, sabi niya, ‘Duterte is committing the same mistakes.’ We cannot commit the same mistake because I am not stupid, you are,” sinabi ni Duterte sa harap ng mga dumalo sa business forum sa Davao City nitong Biyernes. (Argyll Cyrus B. Geducos)