Naghihimas ngayon ng rehas ang isang bus driver matapos umano niyang sapakin ang traffic enforcer na humuli sa kanya sa paglabag sa batas-trapiko sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Police si Jarlin Gumegom, 41, driver ng DLTB Bus Company, dahil sa pananakit kay Bernardo Pimentel, 37, traffic enforcer ng Pasay City Traffic Bureau.
Sa ulat ni Chief Insp. Rolando Baula, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng pulisya, dakong 9:00 ng umaga naganap ang insidente sa kanto ng Taft Avenue at Buendia, Gil Puyat ng nasabing lungsod.
Sinita umano ni Pimentel si Gumegom dahil sa illegal parking.
Maya-maya pa’y nauwi na sa mainitang pagtatalo at sinapak ni Gumegom si Pimental matapos umanong tiketan ng huli ang una.
Sa halip na pumatol, humingi na umano ng tulong si Pimentel sa mga kapwa traffic enforcer upang dakpin si Gumegom.
Sa pulisya, ikinatwiran ng suspek na pagod at puyat siya sa pamamasada kaya hindi umano nito napigilan ang sarili laban kay Pimentel.
Desidido naman si Pimentel na sampahan ng kasong physical injury ang suspek sa Pasay Prosecutor’s Office.
(Bella Gamotea)