Nawalan ng tirahan ang 30 pamilya makaraang lamunin ng apoy ang 15 bahay sa Las Piñas City, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni Las Piñas Fire Department Chief Insp. Jessie Calumpiano, dakong 10:10 ng umaga nang nagsimula ang sunog sa isang bahay sa Alvarez Compound sa Barangay Almanza, ng nasabing siyudad.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials kaya iniakyat sa ikaapat na alarma ang sunog bago tuluyang naapula pasado 11:00 ng umaga.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga apektadong pamilya sa malapit na covered court sa lugar, habang inaalam ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng mga natupok na ari-arian. (Bella Gamotea)