PAGKATAPOS ng ating halos walang katapusang panawagan na muling buhayin ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC), nagkasundo ang Gabinete ni Pangulong Duterte na ang naturang military training program ay ipatupad nang sapilitan o mandatory sa lahat ng paaralang pribado at pambayan. Ang nasabing panawagan ay mahinang bulong lamang noong nakaraang mga administrasyon; ito ay naging isang malakas na sigaw ngayon sapagkat napagkaisahan ng official family ng Pangulo ang implementasyon ng isang programang didisiplina sa mga kabataang kadete. Sa kalaunan, maikikintal sa kanilang puso at isipan ang diwa ng pagkamakabayan o love of country.

Hindi ko matiyak kung kailangan pa ang bagong lehislasyon o sususugan na lamang ang umiiral na ROTC law, subalit walang kagatul-gatol ang utos ng Pangulo sa mga awtoridad: Siguruhin na ang muling pagpapairal ng naturang military training ay hindi mababahiran ng kurapsiyon at iba pang alingasngas; na ang mandatory ROTC ay maituturo sa lahat ng Grade 11 at 12 sa mga kolehiyo at unibersidad sa buong bansa. Kailangang tiyakin ng Department of National Defense (DND), sa pamamagitan ng Armed Forces of the Philippines, na hindi na mauulit ang hindi kanais-nais na mga hazing activities, sexual harassment at iba pang panggigipit na sumira sa ROTC program.

Hindi ko malilimutan ang malagim na pagpaslang sa isang ROTC cadet ng University of Santo Tomas (UST) dahil sa pagbubunyag niya ng mga katiwalian na sinasabing kinasasangkutan ng ilang cadet officer. May mga kahawig ding nakadidismayang pangyayari na naganap din sa iba pang pamantasan. Ang mga ito ang maliwanag na naging dahilan ng pagbuwag sa ROTC courses. Naging optional na lamang ito at napalitan ng kahawig ding kurso na may gayon ding layunin.

Ngayong halos tiyak na ang pagbuhay sa ROTC program, marapat lamang na magkaroon ng malawak na partisipasyon ang kinauukulang mga mag-aaral sa larangan ng military training. Makabuluhang maikintal sa kanilang katauhan ang tunay na military discipline sa isip at sa gawa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Tulad ng kalakaran ngayon sa ating Philippine National Police Academy (PNPA) at sa Philippine Military Academy (PMA), makabubuti ring pahintulutang lumahok sa ROTC program ang kababaihan. Palasak na ngayon ang mga babaeng opisyal sa ating PNP at AFP. Katunayan, marami sa kanila ang aktibo at buong-tapang na pumapalaot sa larangan ng digmaan.

Naniniwala ako na marapat ding paigtingin ang implementasyon ng Preparatory Military Training (PMT) program sa mga high school. Epektibo rin itong hubugan ng wastong disiplina at mainam na pag-uugali ng ating mga kabataan.

Sa pagsusulong ng ganitong pagsasanay, dapat lamang tiyakin na ang mga ito ay hindi mababahiran ng mga katiwalian at pagmamalabis. (Celo Lagmay)