Puwede kayang sabay na mahalin ang dalawang tao? Natuklasan sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na hati ang mga Pilipino sa posibilidad na magmahal ng higit pa sa isang tao.

Natukoy sa survey, na isinagawa noong Disyembre 3-6, 2016 at inilabas nitong Huwebes ilang araw bago ang Valentine’s Day, na 44 na porsiyento ng populasyon ang naniniwalang posibleng magmahal ng higit sa isang tao, habang 43 porsiyento naman ang nagsabing imposible ito.

Tinanong ang 1,500 adults: “Sa inyong opinyon, posible bang ma-inlove sa higit sa isang tao sa iisang pagkakataon?”

Ayon sa SWS, 25% ang sumagot ng “definitely possible”, habang 19% ang nagsabing “somewhat possible”. Samantala, 37% naman ang tutol dito sa pagsasabing “definitely impossible”, at anim na porsiyento ang naniniwalang “somewhat impossible” ito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nasa 12% porsiyento naman ng mga sinarbey ang hindi makapagdesisyon.

Sa kaparehong survey, nasa 19% lang, o isa sa limang Pinoy, ang nagsabing naranasan na nilang magmahal ng higit sa isang tao sa iisang pagkakataon. Nasa 81% naman ang nagsabing wala silang ganitong karanasan.

Ayon sa SWS, ang posibilidad na magmahal ng higit pa sa isang tao ay mas mataas sa kalalakihan sa moderate +11 (49% posible, 38% imposible) kumpara sa neutral -8 (40% posible, 48% imposible) sa kababaihan.

HAPPY SA LOVE LIFE

Natuklasan din sa kaparehong survey na tumaas ang bilang ng mga Pinoy na kuntento sa kani-kanilang love life noong 2016.

Batay sa SWS survey, 55% ang naglarawan sa kanilang love life na “very happy”, tumaas mula sa 51% na naitala noong 2015.

Bumaba naman sa 31% ang nagsabi ng “it could be happier”, kumpara sa 38% noong 2015.

Gayunman, sa 2017 ay 14% ang loveless ngayong Valentine’s Day, mas mataas sa 10% na nagsabing wala silang love life sa Araw ng mga Puso noong 2016. (Vanne Elaine P. Terrazola)