Kinumpirma kahapon ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na pamangkin niya ang naaresto ng awtoridad sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Davao City, nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Dureza, nabatid niya ang tungkol sa pagkakadakip sa pamangkin niyang si John Paul Dureza, 33, kasama si Jose Anthony Celso Huillar, 38, sa buy-bust operation ng mga operatiba ng PDEA sa Residencia del Rio sa Catalunan Pequeño sa Davao City bandang 4:45 ng hapon nitong Huwebes.

Nakuhanan ang mga suspek ng nasa 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P225,000, isang .22 caliber rifle na may mga bala at drug paraphernalia.

Kasabay ng pag-amin ng kahihiyan sa nangyari, pinuri rin ni Dureza ang PDEA-Region 11 sa patas na pagpapatupad ng batas.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“I slept early last night (still on sick leave but feeling okay) only to wake up early to be informed that one of my nephews was arrested by PDEA for drugs. I am of course embarrassed as he is a close relative,” saad sa Facebook post ni Dureza.

“But I commend the authorities for enforcing and applying the law without fear or favor. That’s the way this no-nonsense drive of President Duterte should proceed,” bahagi pa ng post ng presidential adviser.

Nag-iisang anak ng nakababatang kapatid ni Dureza na si Jerry, sinabi ni PDEA Director 3 Adzhar Albani na matagal nang nasa watchlist si John Paul.

Aniya, si John Paul ang umano’y nagsu-supply ng droga sa mga prominenteng pamilya sa Davao City.

(BETH CAMIA at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)