Nasa kabuuang 20 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P100 milyon ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang abandonadong sasakyan sa Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.
Base sa report, bandang 10:00 ng gabi namataan ng mga tauhan ng PDEA ang nasabing ilegal na droga na ibinalot sa foil at papel sa compartment ng abandonadong sasakyan at itinago umano sa dalawang water container.
Matapos makatanggap ng impormasyon ang ahensiya, agad-agad nagtungo ang mga tauhan ng PDEA sa pinangyarihan at narekober ang ilegal na droga sa loob ng asul na Mitsubishi lancer (WPB-418).
Ang nabanggit na sasakyan ay ipinarada sa Tangali Street, Barangay San Jose Quezon City, tatlong araw na ang nakalilipas.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, hindi residente sa lugar ang may-ari ng sasakyan.
Sinabi ni Manny Galang, chairman ng barangay committee on illegal drugs, na posibleng inabandona ng mga suspek ang sasakyan matapos matunugan na nakarating na sa PDEA ang kanilang operasyon. (CHITO A. CHAVEZ at JUN FABON)