NAPAPAISIP tayo sa mga huling pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana tungkol sa South China Sea (SCS) sa nakalipas na mga araw. Sa panayam kamakailan sa isang news agency sa Amerika, sinabi niyang hindi niya nakikitang maglulunsad ng giyera ang Amerika laban sa China kaugnay ng SCS dahil isa aniyang negosyanteng si President Trump, kaya alam nitong magdurusa ang mga negosyo at kalakalan kapag nagkaroon ng digmaan.
Sa isa pang panayam — sa isang French news agency — nagpahayag ng pangamba si Lorenzana sa posibilidad na magtayo ang China ng mga pasilidad ng sandatahan sa Scarborough Shoal, na 150 milya lamang ang layo sa baybayin ng Zambales at saklaw ng 200-milyang Exclusive Economic Zone ng Pilipinas alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea.
Sinabi ni Lorenzana na posibleng magtayo ang China ng mga pasilidad sa Scarborough — na tinatawag nating Panatag o Bajo de Masinloc — dahil magsisilbi itong military outpost ng China sa dulong silangang bahagi ng South China Sea na iginigiit nitong bahagi ng China. Kung magkakaroon ng base sa Scarborough, aniya, mangangahulugan ito ng epektibong kontrol ng China sa karagatan na inaangkin nitong parte ng sariling Nine-Dash Line.
Taong 2012 nang ipinalabas ni noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III ang Administrative Order No. 29 na nagbago sa pangalan ng bahagi ng South China Sea na sakop ng Exclusive Economic Zone ng bansa bilang “West Philippine Sea.” Kabilang sa lugar na inaangkin ng Pilipinas, bukod sa Scarborough, ay ang Spratly islands, ang Reed Bank, at ang Mischief Reef sa kanluran ng Palawan. Tinatawag natin itong Kalayaan islands.
Bagamat inaangkin ng gobyerno ng Pilipinas ang kabuuan ng nabanggit na mga isla bilang “West Philippine Sea”, wala ang pangalang ito sa anumang pandaigdigang mapa. Tunay na hindi ito kinikilala ng China, dahil taliwas ito sa sariling mapa ng Nine-Dash-Line. Sa anumang bukas na kumprontasyon, hindi natin maidedepensa ang pag-angkin natin ng teritoryo laban sa ibang bansa.
Sa nakalipas na mga taon, kinailangan pa ng Pilipinas na umasa sa tulong ng Amerika, ngunit alinsunod sa ating Mutual Defense Treaty, nangako ang Amerika na aayudahan ang Pilipinas sa anumang pagdepensa sakaling inaatake ito dahil sa “metropolitan territory” o “island territories… in the Pacific.” Dahil dito, malinaw na nilimitahan ng Amerika ang interes nito sa South China Sea upang matiyak na nananatili itong bukas sa pandaigdigang paglalakbay.
Nagdesisyon noong nakaraang taon ang Arbitral Court sa Hague na walang legal na basehan ang pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea at ipinag-utos na panatilihing bukas ang Scarborough Shoal, isang tradisyunal na lugar ng pangisdaan, sa mga mangingisda mula sa lahat ng bansa. Ngunit walang kakayahan ang Arbitral Court na ipatupad ang alinmang pasya nito, kaya kung magsimula ang China — gaya ng pinangangambahan ni Secretary Lorenzana — na magtayo ng military outpost sa shoal, walang magagawa rito ang Pilipinas.
Sa ilalim ni Pangulong Duterte, pinagtibay ng Pilipinas ang polisiya ng mas malapit na pakikipag-ugnayan sa China.
Maaaring kinatigan tayo ng korte sa Hague, ngunit hindi natin iginigiit ang ating pag-angkin ng teritoryo, hindi marahil ngayon. Wala tayong kakayahan upang gawin ito, kung pagbabatayan na rin ang kakayahan ng ating depensa, at hindi ngayon na wala nang katiyakan ang ugnayan natin sa Amerika.
Maaari lamang magbigay ng espekulayon si Secretary Lorenzana sa mga posibilidad sa South China Sea sa sitwasyon sa ngayon na patuloy na nagbabago-bago. Binanggit niya sa panayam sa kanya ng isang news agency sa Amerika na hihingi siya ng karagdagang budget sa depensa ng bansa—mula sa kasalukuyang 1.5 porsiyento ng GNP ay gawing 2.5 porsiyento.
Ang kasalukuyang budget ng Pilipinas sa depensa, aniya, ay kalahati lamang ng budget ng karamihan sa mga karatig-bansa natin.
Sa harap ng mga paghamon sa South China Sea, halos wala nang magiging epekto ang pagdoble sa budget ng depensa.
Ngunit malaki ang maitutulong ng mas matibay na istrukturang pangdepensa ng Pilipinas at karapat-dapat lamang na bigyang-konsiderasyon ng ating gobyerno.