OPISYAL na magsisimula sa Miyerkules, Pebrero 15, ang fishing season para sa sardinas, mackerel, at tawilis sa Visayan Sea, ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Western Visayas Regional Director Remia A. Aparri.
Inihayag ni Aparri na magsama-sama ang mga fishery stakeholder sa Huwebes sa Barangay Pawa, Panay sa Capiz para sa seremonya na pormal na magbubukas ng fishing season. Ibinunyag niya na makikibahagi sa aktibidad ang mga director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources mula sa Regions 5, 7, at 8 dahil ang baybayin ng mga ito ay bahagi rin ng Visayan Sea.
Nobyembre 15 ng nakaraang taon nang nagsimula ang tatlong-buwang pagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pangingisda ng sardinas, mackerel at tawilis dahil ang nasabing mga buwan ay panahon ng pagpaparami ng mga isda.
Binanggit niya na tumataas ng 3.58 porsiyento taun-taon ang produksiyon ng isda bilang resulta ng pagpapatupad ng fishing ban.
Iimbitahan din ang mga lokal na opisyal ng mga apektadong baybayin para makita nila ang presentasyon ng programa at makalikha ng mga plano at polisiya sa pangangasiwa sa kani-kanilang pangisdaan sa Visayan Sea.
Samantala, ibinahagi ni Aparri na nabuksan na ang mga community fish landing center sa mga bayan ng Miagao at San Joaquin sa Iloilo nitong Enero 31. Magsisilbing lugar ang landing centers para sa mga mangingisda upang mapagsama-sama ang mga nahuling isda sa isang lugar at maitaguyod ang pagpapalitan.
Inilatag din ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga proyekto tungkol sa kaligtasan sa pagkain at tamang pangangasiwa nito para mabawasan ang mga nasayang sa post-harvest.
Kahapon, isang fiberglass boat at mga gamit sa pangingisda ang ipinamahagi sa Nabas, Aklan. Ito ay pinondahan sa ilalim ng Bottom-Up Budgeting program ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. (PNA)