SA Rizal, kapag nabanggit at napag-usapan ang tungkol sa sining, tradisyon at kultura, ang naiisip agad ay ang bayan ng Angono. Isang bayan na ang mga mamamayan ay matibay ang pagpapahalaga sa mga namanang tradisyon sa kanilang mga ninuno. Bukod dito, ang Angono ay bayan ng dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro.

Sa mga obra at komposisyon ng dalawang National Artist, tampok ang kanilang pagiging maka-bayan, ang kasaysayan, tradisyon at kultura ng Pilipinas. Naiwang pamana nila sa sining, tradisyon at musika ng iniibig nating Pilipinas. Sa Angono, ang mga nagawa nina Carlos Botong Francisco at Maestro ay naging inspirasyon sa mga kabataan na may talino sa painting at sa musika. Tatlong samahan ng mga pintor ang itinatag at walong banda ng musiko (brass band).

Pinakikinabangan ng mga kabataan. Maraming pintor ang nagtagumpay at nagkaroon ng pangalan sa visual arts at musika.

Sa ngayon, ang Angono ay kinilala at tinawag na Art Capital ng Pilipinas.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ngayong ika-11 ng Pebrero, kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes ay ginugunita ang ika-104 na kaarawan ng National Artist na si Maestro Lucio D. Pedro. Hindi ito nalilimot gunitain at ipagdiwang ng kanyang mga kababayan. Ayon sa mga taga-Angono Tourism Office, bahagi ng paggunita sa kaarawan ni Maestro Lucio D. San Pedro ay ang pag-aalay ng mga bulaklak sa libingan ng National Artist sa Angono Catholic Cemetery. Gagawin matapos ang misa sa Saint Clement parish church sa umaga na pangungunahan ng mga taga-Angono Tourism Office at ng tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Angono. Sa gabi, tampok naman ang Serenata ng Angono National Symphonic Band na gagawin sa harap ng munisipyo ng Angono. Kabilang sa bibibigyang-buhay at interpretasyon ng Angono National Symphonic Band ay ang mga piling awit at tugtugin na kinatha ni Maestrp Lucio D. San Pedro.

Masasabing si Maestro Lucio D. San Pedro ang tanging kompositor na dumakila sa diwa at damdaming Pilipino. Sa kanyang mga komposisyon, mababakas at madarama ang kanyang pagiging makabayang manlilikha ng musika. Maririnig at talagang mararamdaman sa kanyang mga komposisyon ang tinig at kaluluwang Pilipino.

Ang musika ay wika ng kaluluwa. Kaya naman, ang mga kinathang komposisyon na mga tugtugin at awitin ni Maestro Lucio D. San Pedro ay masasalamin ang uri ng kaluluwang ipinagkaloob sa kanya ng Poong Maykapal at ang mga katangian ng Pilipinas.

Mula sa kanyang walang kamatayang “Sa Ugoy ng Duyan”( lyrics ni Levi Celerio na isa ring National Artist) na inialay ni Maestro Lucio D. San Pedro sa kanyang ina at sa lahat ng mga ina sa buong daigdig, hanggang sa “Lahing Kayumanggi”, “Sa Mahal Kong Bayan” at sa marami pang martsa tulad ng “Festival March”, “Centennial March”, “Taga-Angono Ako, Taas Ang Aking Nao”, “Lupang Mahal ng Araw”, “Sa Dalampasigan”, mga obertura, symphony at awit-pansimbahan tulad ng “Isang Bayan, isang Lahi”, si Maestro Lucio D. San Pedro ay parang isang maningning na tala sa langit at daigdig ng mga Alagad ng Sining. (Clemen Bautista)