LUCENA CITY – Nakaamoy ng dugo si Cris Joven at walang dahilan para tumigil ang pambato ng Kinetix Lab-Army sa hangaring maagaw ang liderato sa mga karibal mula sa Philippine Navy-Standard Insurance.

Matapos masungkit ang Subic-to-Subic Stage Four nitong Huwebes, tumalon sa ikasiyam mula sa ika-14 na puwesto sa overall standing ang 30-anyos na si Joven, sapat para maipadama ang marubdob na pagnanasa sa titulo sa nangungunang sina Rudy Roque at defending championa t two stage winner Jan Paul Morales.

Napanatili ni Roque ang kapit sa ‘red jersey’ tangan ang kabuuang tyempo na 11 oras, 12 minuto at 15 segundo, ngunit gahibla lamang ang layo niya kay Morales na nakabuntot sa tyempong 11:13:45.

Halos bugtong-hininga lamang ang abante niya kay Joven, pumang-apat dito may limang taon na ang nakalilipas, sa tyempong 11:16:48.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Balik aksiyon bukas para sa Stage Five na magsisimula sa Lucena at magtatapos sa Camsur Water Complex sa Pili, Camarines Sur.

Kumpiyansa si Joven na maaagaw niya ang liderato kung mahihigitan ang naging ratsada sa huling stage.

"Mahaba pa ang karera. Wala pang sigurado rito. Kung magagawa ko uli o mahigitan pa yung performance ko sa Stage Four, hindi malayong maagaw natin yung red jersey,’ pahayag ni Joven, pambato ng Iriga, Camarines Sur.

Hindi itinaggi ni Joven na malaking balagid sa kampanya ang kakulangan sa ensayo, ngunit sapat umano ang kaalman niya at disiplina para makasabay sa mga karibal sa kabuun ng 14-day cycling marathon na hatid ng LBC.

"Kulang tayo sa preparasyon pero mahaba ang hininga natin. Sanay naman tayo sa laban,” aniya.

Tumataginting na P1 milyon ang naghihintay para sa kampeon sa karera na itinataguyod din ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.