MAY 100 kongresista ang lumagda sa panawagan na ipagpatuloy ng pamahalaan ang pakikipag-usap sa NDF-CPP-NPA ukol sa kapayapaan. Ganito rin ang nais mangyari ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at mga militante. Kasi, tinapos na ni Pangulong Digong ang inumpisahan niyang usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista at nagdeklara na siya ng giyera laban sa mga ito.
Nang gawin ito ng Pangulo, nasa yugto na ang pag-uusap ng gobyerno at NDF-CPP-NPA sa isyu ng social and economic reforms. Babalangkas na sana ang magkabilang panig ng mapapagkaisahang programa na magpapaunlad sa bansa at wawasak sa kahirapan ng mamamayan. Kung bakit dito tumigil ang pag-uusap at tinapos ng Pangulo ang usapang pangkapayapaan ay dahil sa pagbawi ng mga rebeldeng komunista sa ideneklara nilang unilateral ceasefire. Bunsod ito ng hindi pagbibigay ng Pangulo sa kanilang kahilingan na palayain na ang lahat ng mga political prisoner. Bukod dito, sa kabila ng nagaganap na negosasyon, patuloy ang bakbakan ng mga sundalo at rebelde. May mga sundalo at rebeldeng namatay na sa mga nangyaring sagupaan.
Pero, pwede pa ring ituloy ang usapang pangkapayapaan, ayon kay Luis Jalandani, isa sa mga consultant ng NDF, kahit na walang tigil-putukan. Binawi na rin kasi ng Pangulo ang ideneklara niyang unilateral ceasefire. Mabuti’t may mga grupong kumukumbinse sa gobyerno at rebeldeng komunista na bumalik sa negotiating table at ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Puwedeng ipagpatuloy ang usapan kahit walang tigil-putukan, at puwede ring ipagpatuloy ito kahit may nagaganap na bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde. Puwede pa ring ihanap ng lunas kung paano mananaig ang kapayapaan sa bansa kahit ang negosasyon ukol dito ay binubulabog ng gulo at giyera. Hindi dapat nagpapaapekto ang magkabilang panig dahil sila ay mga Pilipino. Walang ibang magmamahal sa kanilang bansa kundi silang mga Pilipino. Sila lang ang may interes sa kapayapaan at sila lang ang makagagawa ng paraan upang ito ay manaig sa ikabubuti ng kanilang kapwa.
Normal na may gustong sumira sa katahimikan at pagkakaisa nating mga Pilipino. May mga nag-uudyok upang ang mga Pilipino ay magkahati-hati at magpatayan sa kanilang sariling bansa. Sila iyong mga dayuhang nakikinabang sa ating pagkawatak-watak upang sila ang magtamasa sa yaman ng bansa. Divide and rule ang kanilang ginagawa kasabwat ang mga bagong makapile. (Ric Valmonte)