Matigas ang pagtanggi si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na may basbas niya ang special treatment sa mga high profile inmates na tumestigo laban kay Sen. Leila de Lima kaugnay sa illegal drugs trade sa New Bilibid Prisons (NBP).

Nakumpirma kamakalawa ang marangyang pamumuhay ng mga ilang high profile inmates sa loob ng Armed Forces of the Philippines (AFP)-Custodial and Detention Center sa Camp Aguinaldo na nakakagamit pa sila ng electronic gadgets, smart television sets, air conditioning units, Internet at cellular phones.

Lumutang din ang confidential memorandum ni Bureau of Corrections (BuCor) legal office chief Alvin Herrera Lim na nagsasabing iginiit ng mga Philippine National Police at BuCor personnel na ‘expressed instruction’ ni Aguirre ang pagpayag sa special privileges ng high profile inmates.

Sinabi kahapon ni Aguirre, na wala siyang direktiba at dapat ilabas na kung mayroon siyang memorandum para payagan ang special treatment sa grupo ng convicted drug dealer na si Herbert Colanggo.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“May galit lamang o sama ng loob sa akin si Atty. Lim kaya idiniin ako sa memo,” paliwanag ni Aguirre.

Hindi rin umano dapat inilabas ang confidential memo ni Lim hangga’t hindi pa napoproseso.

Kaugnay nito, tinanggal ng BuCor ang buong grupo ng prison guards na nakatalaga sa AFP-Custodial Center.

Sinabi ni BuCor Director General Benjamin Delos Santos na sinibak na ang 20 prison guards sa pamumuno ni Marlon Mangubat.

“A new OIC [officer in charge] was installed to oversee posting of new guards,” ani Delos Santos.

Ibinalik ang mga tinanggal na prison guards sa NBP sa Muntinlupa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. (Beth Camia at Jonathan M. Hicap)