DARAGA, Albay – Nasawi ang dalawang pasahero at limang iba pa ang nasugatan makaraang bumangga ang sinasakyan nilang Philtranco Bus sa isang puno ng acacia sa national highway ng Barangay Peñafrancia sa Daraga, Albay, kahapon ng umaga.
Kinilala ni SPO4 John Mallorca, tagapagsalita ng Daraga Police, ang mga nasawi na sina Jane Dimaano y Fungo; at Henry Bartolome y Din, kapwa taga-Bacon District, Sorsogon City.
Sugatan naman sina Marvin Eva y Bolanos, driver ng bus; Gary Dongaol y Divina, Mary Ann Donggaol y Desuyo, Hernan Bartolome at Monina Barcelon y Dongdong, pawang taga-Bacon District, Sorsogon.
Ayon sa imbestigasyon, binabagtas ng bus ang highway ng Bgy. Peñafrancia patungong Prieto Diaz bandang 3:00 ng umaga nang mawalan ng kontrol si Eva sa bus hanggang sa bumangga ito sa acacia sa gilid ng kalsada. (Niño N. Luces)