Patay ang kilabot na leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) at kanyang tauhan sa pinagsanib na operasyon ng militar at pulisya sa Bongao, Tawi-Tawi, nitong Huwebes.

Kinilala ni Army Captain Jo-Ann D. Petinglay, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WesMinCom), ang napatay na ASG leader na si Ninok Sappari, gayundin ang tauhan nitong si Mahdi Abdurahman.

Sinabi ni Petinglay na si Sappari ang pinuno ng kilabot na Abu Sayyaf Lucky 9 Group ng Sulu na nagsagawa ng pagpatay sa mga sundalo.

Sangkot din ang grupo sa mga pagdukot sa mga lokal na residente sa Sulu at Tawi-Tawi.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon kay Petinglay, base sa mga report na kanilang natanggap, napatay si Abdurahman dakong 2:00 ng hapon nitong Huwebes sa pinagsanib na operasyon ng militar at pulisya sa Barangay Pahut, Bongao, Tawi-Tawi, habang bandang 9:30 ng gabi naman napaslang si Sappari sa isa pang operasyon sa Bgy. Nalil sa Bongao, Tawi-Tawi.

Aniya, ikinasa ang operasyon sa Almari Beach Resort sa Bgy. Pahut sa Bongao, kung saan nakatuloy sina Sappari at Abdurahman at naghahanap umano ng madudukot sa nasabing resort.

Batay sa report ng Scene of the Crime Operations (SOCO), nakuha mula kay Abdurahman ang isang .45 caliber pistol, habang isang granada naman ang nasamsam mula kay Sappari—na may mga arrest warrant para sa 32 bilang ng murder.

Ayon sa pulisya, isang Yasser Anji, na kasabwat ni Sappari, ang nasa kostudiya ngayon ng awtoridad at iniimbestigahan na para sampahan ng kaukulang kaso, batay sa mga ebidensiyang nakuha rito. (FRANCIS T. WAKEFIELD)