Limang lalaki, kabilang ang mag-ama, na pawang kabilang sa barangay drug watch list ang magkakasunod na ibinulagta ng riding-in-tandem sa Barangay Malanday, Marikina City, nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni Police Senior Supt. Lorenzo Holanday, Jr., hepe ng Marikina City Police, nagsimula ang insidente mula 7:15 hanggang 7:30 ng gabi.
Lumilitaw na unang binaril at pinatay ng riding-in-tandem, dakong 7:15 ng gabi, si Gerald Taduan, 36, sa kanto ng Kabayani Road at Mississipi Street.
Pagsapit ng 7:20 ng gabi ay binaril naman ng mga ‘di pa nakikilalang suspek si Noel Dumate, 43, sa kanto ng Kabayani at Green St.
Ganitong oras din pinatay ang mag-amang sina Regidor Dumasig, Sr., 49; at Regidor, Jr., 25, na pinagbabaril din sa kanto ng Kingfisher St. at Owl St.
Pagsapit ng 7:30 ng gabi ay itinumba naman sa Kabayani Road si Ernesto Ambos, 54. (Mary Ann Santiago)