Nangangailangan ang Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ng 200 critical care nurses na itatalaga sa cardiac centers, inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Nakasaad sa advisory ng Ministry of Health (MOH) ng KSA na ang matagumpay na aplikante ay tatanggap ang 4,110 Saudi riyals na buwanang sahod, SR295 annual salary increase, libreng pagkain at tirahan, at bayad sa taunang bakasyon na may libreng round trip ticket sa eroplano.
Tumatanggap na ang POEA ng mga aplikante para sa nabanggit na posisyon. Itinakda ang pagsusulit at interview sa Marso 6–10, 2017.
Bukod sa babaeng nurses, naghahanap din ang MoH ng 10 Perfusionist; 10 sa Catheterization Laboratory; 10 Cardiac Technician; at 10 sa Echo Cardiology.
Ang mga aplikante ay dapat nagtapos ng Bachelor of Science in Nursing, may board license, Prometric passer, hindi hihigit sa 45 taong gulang at may karanasan sa trabaho ng hindi bababa sa tatlong taon.
Ang mga kuwalipikadong aplikante ay kinakailangang magrehistro online sa www.eregister.poea.qov.ph at personal na magsumite ng resume na may job description, school credentials, employment certificates, kopya ng passport at dalawang 2x2 picture na nakaipit sa folder na may marking “MOH-Cardiac Center” sa Manpower Registry Division, Window T, Ground Floor, Blas F. Ople Bldg. (dating POEA Bldg.), Ortigas Avenue corner EDSA, Mandaluyong City. (Mina Navarro)