Dalawang hinihinalang miyembro ng “Akyat–Bahay” gang ang bumulagta matapos umanong manlaban sa mga rumespondeng pulis sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa Quezon City Police District-Criminal and Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), dakong 4:00 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa pagitan ng dalawang suspek at mga operatiba ng QCPD sa Barangay Piñahan, Quezon City.
Una rito, nagulat na lamang umano ang biktimang si Eduardo Torico nang datnan niya ang dalawang magnanakaw na mabilis tumalilis at tinangay ang gulong ng kanyang kotse.
Sa imbestigasyon ng CIDU, lumilitaw na hinalughog pa ng mga kawatan ang mga kuwarto at inaalam na ngayon ng Scene of the Crime Operatives ang mga nawawalang gamit.
Mabilis namang rumesponde ang mga operatiba ng District Special Operation Unit, sa pamumuno ni Police Supt. Roghart Campo, at nasukol ang mga hindi pa nakikilalang suspek.
Ngunit sa halip na sumuko nang matiwasay, sinalubong at pinaputukan pa umano ng mga suspek ang awtoridad at dito nagdesisyon na pabulagtain ang mga una. (Jun Fabon)