TATANGKAIN ni Philippine Boxing Federation bantamweight champion Jason Canoy na maiuwi sa Pilipinas ang bakanteng World Boxing Federation (WBF) bantamweight title sa pagkasa sa walang talong si WBA International champion Mzuvukile Magwaca sa Marso 31 sa Cape Town, Western Cape, South Africa.

Dating amateur boxing champion si Canoy bago naging professional boxer at sa edad na 26-anyos tangan ang record na 26-6-2, tampok ang 19 knockout.

Ang pinakamalaking panalo ni Canoy nang tatlong beses niyang pabagsakin at palasapin ng unang pagkatalo via 1st round TKO si dating interim WBA super flyweight champion Drian Francisco noong 2015 sa Gen. Santos City, South Cotabato.

Natalo si Canoy sa hometown decision nang lumaban sa Thailand, Ukraine, Russia at Japan kaya nagsasanay siya para mapalakas pa ang kanyang knockout power bilang paghahanda kay Magwaca dahil suntok sa buwan na manalo siya sa puntos sa South Africa.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Walang gaanong markado sa kartada ni Magwaca kundi nanalo siya sa Pinoy boxer na si Michael Enriquez via 5th round TKO at lumaban lamang siya sa loob ng South Africa na kapintasan ng mga boksingero rin ng Thailand at Japan na nagiging world champion sa paglaban lamang sa sariling teritoryo.

May kartada si Magwaca na perpektong 17-0, tampok ang 10 sa pamamagitan ng knockouts at tumabla sa kababayang si dating world rated super flyweight Makazole Tete na pinatulog sa 2nd round ng Pilipinong si Jonas Sultan noong nakaraang Disyembre sa East London, Easter Cape, South Africa. (Gilbert Espeña)