MALIBAN kung dinadaya lamang ako ng aking mga paningin, talagang wala pang kalutasan ang nakapanggagalaiting problema sa trapiko; lalo pa yata itong tumitindi dahil sa kakulangan ng disiplina ng mga motorista at ng mismong mga traffic enforcer. Nailatag na ang halos lahat ng estratehiya na naisip ng kasalukuyan at ng nakalipas na administrasyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA), subalit umuugong pa rin ang sigaw ng sambayanan: Walang pagbabago.
Magugunita na sa pamamagitan ng Department of Transportation (DoTr), nagpasaklolo ang MMDA sa Highway Patrol Group (HPG). Ang halos maghapon at magdamag na pamamahala ng naturang grupo sa trapiko sa Edsa, at sa iba pang lansangan, ay sandaling nagpaluwag sa daloy ng mga sasakyan na natitiyak kong ikinatuwa naman ng ilang sektor ng taumbayan.
Dito nalantad ang mistulang kawalan ng silbi ng MMDA traffic enforcers na hanggang ngayon, ang ilan sa kanila ay makikita pang nagkukumpul-kumpol sa halip na mamahala ng trapiko sa mga lansangan.
Tumibay ang aking hinala na ang gayong eksena ay isang pagsabotahe sa pamumuno ni Officer-in-charge Tim Orbos. At lalong tumibay ang aking sapantaha na ang pagtatamad-tamaran ng ilang enforcers ay bilang paghahanda sa umuugong na haka-haka na si dating MMDA Chairman Francis Tolentino ay babalik sa kanyang dating puwesto pagkatapos ng one-year election ban. Maaaring estratehiya naman ito ng mga kaalyado ng dating opisyal na hindi pinalad sa nakalipas na electoral elections.
Umiiral pa, at halos natitiyak na ang pagpapalawig sa “no-window hour” sa number coding scheme ng MMDA. Maaaring ito ay bahagyang nakapagpaluwag sa trapiko sa kabila ng kaliwa’t kanang paglabag ng kinauukulang mga motorista. Maiiwasan pa ang ibayong pagsisikip ng trapiko kung lubos na ipagbabawal ang naturang pribilehiyo sa mga... motorista na totoong nagpapasikip sa mga lansangan.
Wala akong nakitang pagbabago sa pagbubukas ng MMDA ng Mabuhay Lane sa mga lansangan sa Metro Manila. Dito rin nabubunton ang mga sasakyan kapag usad-pagong ang trapiko sa Edsa. Pati ang tinatawag na Zipper Lanes sa Edsa ay hindi rin yata nakapagpaluwag ng trapiko.
Hindi ko matiyak kung nagkaroon na ng positibong resulta ang panawagan ng MMDA leadership sa mga volunteer group upang maging katuwang sa pamamahala sa trapiko. Nangako ang Filipino-Chinese volunteers na tumulong sa pagpapaluwag sa daloy ng mga sasakyan.
Bahagi rin ng estratehiya ng MMDA ang ganap na pagbabawal sa mga public utility jeepneys (PUJs) sa pagbaybay sa mga abalang lansangan, kabilang na ang Edsa. Ang planong ito ay sinalubong ng magkakasalungat na pananaw. (Celo Lagmay)