BUTUAN CITY – Isang babaeng guro sa isang pampublikong elementary school ang pinagbabaril sa dibdib at napatay ng hindi nakilalang suspek sa harap mismo ng mga estudyante at iba pang residente sa Purok 11 sa Barangay Angas, Sta. Josefa, Agusan del Sur, nitong Miyerkules ng hapon.
Batay sa flash report sa regional command at action center ng Police Regional Office (PRO)-13, pauwi na si Jovy Punzalan Dimaulo, 33, guro sa Santa Josefa Elementary School sa Bgy. Poblacion, nang dumating ang hindi nakilalang suspek at tatlong beses siyang barilin sa dibdib, bandang 5:50 ng hapon.
Tumakas ang suspek sakay ng pulang motorsiklo, habang kaagad namang isinugod sa ospital ang biktima ng mga nasindak na nakasaksi sa insidente, ngunit hindi na ito umabot nang buhay.
Inaalam pa ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng suspek. (Mike U. Crismundo)