Sinibak ng Office of the Ombudsman sa serbisyo si Lingig, Surigao del Sur Mayor Roberto Luna, Jr. dahil sa paglagda sa “ghost” purchase ng mga gamit sa komunikasyon na nagkakahalaga ng P18.9 milyon.
Ipinag-utos din ang pagsibak sa serbisyo nina Jethro Lindo at Teofilo Maymay, miyembro ng bids and awards committee (BAC).
Sa 12-pahinang desisyon, natukoy ng Ombudsman na nagkasala si Luna sa grave misconduct at serious dishonesty habang napatunayang nagkasala sa grave misconduct sina Lindo at Maymay.
Binawi rin ng Ombudsman ang retirement benefits at pinagbawalan nang magserbisyo sa gobyerno ang tatlo.
Batay sa records, taong 2007 nang bilhin ng tatlo mula sa Philflex Trading and General Merchandise , sa pamamagitan ng direct contracting, ang 36 na set ng SENAO SN 6108 long range radio/telephone at 35 set ng SENAO 568 super long range cordless radio/telephone na kumpleto sa accessories.
Batay sa mga dokumento, walang public bidding na isinagawa sa nasabing mga pagbili. (Jun Ramirez)