PRESSCON pa lang, masaya na ang Full House Tonight, kaya expect a fun show hindi lang sa pilot sa February 18 kundi sa 13 weeks na itatakbo ng comedy-musical show topbilled by Regine Velasquez.
Kaya tama ang plugging ni Regine na “Get ready to sing, dance, and laugh out loud with Full House Tonight.”
Si Louie Ignacio ang TV director at si Floy Quintos naman ang stage director plus magagaling na writers ang kinuha ng GMA-7 para masigurong maganda ang kalalabasan at magugustuhan ng viewers ng Full House Tonight.
Siniguro rin ng management na magkakasya ang lahat ng segment ng maraming cast sa isang oras na show na mapapanood after Magpakailanman. May guests pa nga sa bawat episode, pandagdag kina Solenn Heussaff, Nar Cabico, Kim Idol, Bianca Umali, Miguel Tanfelix, Sarah Pagcaliwagan, Terry Gian, Tammy Brown at Joross Gamboa.
Kakanta si Regine sa bawat episode at inamin niyang nahihirapan siyang kumanta dahil nagco-comedy pa siya.
“Every episode we do two to three musical number. Sa opening, at may formal song pa ako,” sabi ni Regine.
Isa sa mga ikinatuwa ni Regine sa Full House Tonight, isinama siya sa creative team.
“Kaya I love working with GMA because they listen to my ideas and crazy suggestions. They make me part of the production. Kahit naman ‘pag gumagawa ako ng soap, they make me part of the creative team. They always ask me bago nila gawin ang ideas nila at nakakatuwa ‘yun,” sabi ng Asia’s Songbird.
Gagawin din ni Regine ang Mulawin at may Sarap Diva pa siya. Pero tiniyak niyang magagawa niya lahat ang tinanggap na trabaho, time management lang daw ang sekreto. (Nitz Miralles)