SA kabila ng pagtatala ng mga karahasan at mataas na antas ng kriminalidad, nakapag-engganyo ang Department of Tourism-Autonomous Region in Muslim Mindanao (DoT-ARMM) ng kabuuang 69,606 na bisita sa Lanao del Sur noong 2016.

Nagkaroon ng P1.2 bilyon tourism receipt ang Lanao del Sur, na naging pangunahing dinarayo ng mga turista sa limang probinsiya sa ARMM.

Naglunsad ng malawakang operasyon ang gobyerno laban sa Maute terror group, na nakabase sa Lanao del Sur at may kaugnayan sa Islamic State of Iraq and Syria.

Nanalasa rin ang baha at gumuho ang lupa sa mabababang bahagi ng komunidad ng lalawigan noong nakaraang taon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa kabila nito, dumami pa rin ang mga bumisitang turista sa Lanao del Sur.

Bukod sa Lanao del Sur, ang ARMM ay binubuo rin ng Maguindanao, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

Ipinakita ng datos mula sa tourism department ng ARMM na may 212,649 na bisita sa limang probinsiya noong 2016 na gumastos ng aabot sa halos P3.7 bilyong kaugnay ng turismo, ayon kay ARMM Tourism Secretary Ayesha Mangudadatu-Dilangalen.

Inihayag niya na mas mataas ng 14 na porsiyento ang bilang ng mga bumisita sa Lanao Del Sur noong 2016 kumpara sa 61,058 noong 2015.

“Part of Lanao del Sur governor’s agenda is cultural tourism and promotion of tourist destinations in the province that can help generate income and livelihood to the locals,” saad ni Nouraldin Ahmad Tamano, provincial tourism officer, sa mga mamamahayag.

Sinabi ni Tamano na itinatampok ng Lanao del Sur ang kakaibang pamumuhay ng mga Maranao, kanilang kasaysayan at kultura. Binubuo ng 39 na bayan ang Lanao del Sur, at ang kabisera ng probinsiya ay ang Marawi City.

Binanggit ni Tamano na isa sa mga atraksiyon na dapat mapuntahan sa lalawigan ay ang Lake Lanao, ang pinakamalaking yamang tubig sa Mindanao at pangalawa sa pinakamalaking lawa sa Pilipinas.

Nagsisilbi itong imbakan ng tubig para sa Agus hydroelectric power plants, na lumilikha ng 75 porsiyento ng supply ng kuryente ng buong Mindanao. (PNA)