DAVAO CITY – Iginiit ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na ang pagkamatay ng tatlong tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP)—na napaulat na may mahigit 20 tama ng bala bawat isa—sa kamay ng New People’s Army (NPA) ay bahagi ng “active defense” ng kilusan kaya naman “legitimate” ito.
Sinabi ni Ka Allan Juanito, tagapagsalita ng NPA-North Central Mindanao Regional Command (NCMR), na ang pagkamatay nitong Pebrero 1 nina Corporal Pat O. Non, Corporal Nino Christopher Talabor at Sergeant Owen Yee, ng 8th Infantry Battalion, ay resulta ng pinatagal na operasyon laban sa psychological war operations ng tatlo sa mga barangay ng Kibalabag at Manalog sa Malaybalay City.
Aniya, hindi totoong walang bitbit na armas ang tatlong sundalo at nagsasagawa lamang ng reconnaissance operations laban sa mga rebelde sa kabila ng umuusad pa noon ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng NDF/Communist Party of the Philippines (CPP) sa Oslo, Norway at sa Rome, Italy.
“The allegation that the three were arrested and killed after was therefore not true. That they were unarmed was also not true. As a matter of fact, three .45 pistols were seized from them,” saad sa pahayag ng NDFP.
Itinanggi rin ng NDFP na kinuha ng mga rebelde ang subsistence allowance ng tatlong sundalo.
“The wallets of Sgt. Yee and Cpl. Talabor were never taken. Only the wallet with an ID card and documents of Cpl. Non was retrieved,” anang NDFP.
Ayon sa NDFP, bandang 4:00 ng hapon noong Oktubre 26 nang simulan ng mga tauhan ng 8th IB ang encampment nito sa Bgy. Kibalabag, at dakong 3:00 ng hapon naman noong Nobyembre 24 sa Bgy. Manalog.
“Until this day, they have not pulled-out from these two barangays,” ayon sa pahayag, at binigyang-diin na walang “social services” na isinagawa sa nabanggit na mga lugar.
Kasabay nito, itinanggi naman ng NPA na “binaboy” ng mga rebelde ang bangkay ng tatlong sundalo.
“Since their bodies were not immediately retrieved for more than 24 hours, their bodies must have decomposed due to the changing weather conditions,” depensa ng NDFP.
KAMPO, NAKUBKOB
Samantala, nakubkob kahapon ng 29th Infantry Battalion ang kampo ng NPA sa bahagi ng Kahanginan sa Bgy. San Antonio, Remedios Trinidad Romualdez (RTR) sa Agusan del Norte.
Nakubkob ang kampo matapos ang 10 minutong pakikipagbakbakan ng militar sa lugar na nagsimula bandang 9:50 ng umaga kahapon, ayon kay Lt. Col. Joy U. Aynera, commanding officer ng 29th IB.
Nasamsam sa kampo ang isang M14 rifle, iba’t ibang bala, mga subersibong dokumento at ilang pagkain, ayon kay Aynera.
(Yas D. Ocampo at Mike U. Crismundo)