Nagpasya ang Sandiganbayan First Division na muling ipagpaliban ang nakatakdang paglilitis kahapon kay dating senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa kasong plunder kaugnay sa kontrobersyal na pork barrel fund scam.
Ayon sa anti-graft court, hindi pa nadedesisyunan ng hukuman ang motion to quash na isinampa ng mga abogado ni Revilla kamakailan.
Binigyan din ng hukuman ng limang araw ang kampo ng prosekusyon at depensa upang magsumite ng kani-kanilang komento sa mosyon ni Revilla.
Unang ipinagpaliban ng Sandiganbayan ang paglilitis kay Revilla noong Enero 12 at inilipat ito sa Pebrero 9. Muling itinakda ng First Division ang paglilitis sa Pebrero 23.
Sa kanilang mosyon, ikinatwiran ng depensa, ngayon ay pinamumunuan ni Atty. Estelito Mendoza, na nabigo ang prosekusyon na patunayang nagkasala ng plunder si Revilla dahil walang alegasyon na nagkamal ito ng “ill-gotten wealth” sa pamamagitan ng “combination or series of overt criminal acts.”
Ang pinakamataas na maikakaso kay Revilla, ayon kay Mendoza, ay direct bribery at hindi plunder kapag naging matagumpay ang prosekusyon na patunayan na ang dating senador ay tumanggap ng kickback na umabot sa P242 million.
Ngunit kinuwestiyon ni director Joefferson Toribio ng prosekusyon kung paano makakapagreklamo ang depensa na hindi malinaw ang mga impormasyon sa kaso ni Revilla, kung nakapaghain ito ng petition for bail.
“This motion [to quash] is just an afterthought and we are concerned that this will result in delay,” ani Toribio.
Nakapiit si Revilla sa PNP-Custodial Center sa Camp Crame simula pa noong 2014.
(Rommel P. Tabbad at Czarina Nicole O. Ong)