MAGANDA uli ang pasok ng bagong taon para kay Maja Salvador. Bukod kasi sa bagong pelikula niyang I’m Drunk I LoveYou, ay busy rin siya sa pinagbibidahang seryeng Wildflower na mapapanood na simula sa Lunes (Pebrero 13) sa ABS-CBN.
Kaya ganoon na lang ang pasasalamat ni Maja sa magandang pagkakataon na ibinibigay sa kanya ngayon.
“Laging thankful tayo sa blessings na ibinigay sa akin. It’s been 14 years na ako dito sa industriya, dito sa ABS-CBN, at hindi pa rin Niya ako pinababayaan. ‘Pag may magandang project kasali pa rin ako palagi or ‘binibigay nila sa akin, so sobrang pasasalamat ko talaga,” sabi ni Maja nang humarap sa presscon ng Wildflower.
Ipinagmamalaki ni Maja ang role niya sa nasabing teleserye under ng RSB Productions ni Direk Ruel Bayani. Kakaiba raw ang papel niya rito kumpara sa characters na dating ginampanan niya.
“Punung-puno ng galit , poot at paghihiganti. Sabi ko nga, eh, gano’n pala ‘yun, kahit na hindi ka umiiyak at humahagulhol, once na ‘yung character mo, eh, andun ‘yung pain, or may anger, pagod pa rin. Kasi kinikimkim mo lang ang emotion mo pero siyempre exciting at challenging ang role ko as Ivy,” sey ng mahusay na Kapamilya actress.
Puring-puri rin ni Maja ang co-stars niya sa Wildflower. Labis-labis ang pasasalamat niya kay Direk Ruel na magagaling ang co-stars na ibinigay sa kanya sa pangunguna nina Sunshine Cruz, Aiko Melendez, Tirso Cruz III at maraming iba pa.
Kaya umaasa si Maja na maganda ang magiging outcome ng serye nilang ito.
“Hindi kasi ako ma-negative na tao, eh. Parang more on na positive lang talaga ako na laging thank you sa Diyos na magiging maganda ang resulta nitong proyekto namin dahil walang tapon na artista, kaya lahat positive,” aniya.
As of press time ay wala pang idea si Maja sa time slot ng Wildflower. Ang alam lang niya ay mag-uumpisa na ito sa Lunes. Sa hapon man o sa primetime ito ilagay, hindi big deal sa kanya.
“Naku, kahit saan pa ilagay, kahit sa O Shopping pa or sa Umagang Kayganda or sa Bandila, ang importante, eh, binigyan pa rin ako ng project ng management. Ang mahalaga, eh, gumagawa ako ng project na ipapalabas na at para makapagbigay ng kuwento sa ating mga kapamilya at ‘yun ang importante sa akin,” sabi ng dalaga.
Proud si Maja sa nararating na niya simula nang pasukin niya ang showbiz almost 15 years ago; na nananatili pa rin ang tiwala sa kanya ng mga nakakatrabaho at supporters niya.
“Sa totoo lang, sa ngayon na sobrang daming artista, masaya ako na kabilang pa rin ako sa mga proyekto ng ABS. Kaya hindi na dapat pa tayong mag-inarte kung saan man ako ilalagay, ang importante, visible pa rin tayo sa TV inspite of,” lahad pa niya. (JIMI ESCALA)